Nitong mga nakaraang araw, nagkalat sa social media, at pinagpistahan din ng mga bloggers ang isang open letter mula sa dalawang talents na diumano ay binastos ng director na si Cathy Garcia-Molina sa set ng isang TV show na ginawa nila noon sa Baguio.
Maliwanag din naman na sinabi nilang sinulatan nila ang management ng ABS-CBN, particularly si Cory Vidanes, at hiningi nilang pagharapin sila ng director dahil gusto nila ng isang formal apology mula roon.
Wala naman silang sinasabing iba pang obligasyon ng director o ng ABS-CBN maliban sa hinihingi nilang apology.
Ayaw sana naming patulan ang bagay na iyan. Una, hindi naman kami personally aware doon sa mga nangyaring iyon.
Wala kaming kilalang witness na mapagtatanungan kung ano nga ang mga pangyayari.
Ang tanging nabasa namin ay ang open letter na inilabas nga nila sa social media at pinulot naman ng ilang bloggers.
Wala rin namang official response ang director, o ang ABS-CBN sa mga bagay na iyon.
Ang dami rin nilang posts sa internet, puro tungkol sa kanilang pelikula. Wala silang nababanggit tungkol kay Direk Cathy Garcia Molina, kaya ibig sabihin gusto rin siguro nila na i-ignore na lang muna ang reklamo, pero nagiging issue na nga eh.
Wala kaming kinakampihan diyan. Hindi rin namin masasabing ok lang na murahin ang mga minor actors. In fact, mali na murahin kahit na sinong tao. Pero iyang mga bagay na iyan ay hindi na bago sa show business.
Noong araw, kilala din sa ganyan si Director Leroy Salvador. Ibang klase iyang si Kuya Leroy. Magagalit iyan at magmumura, pero pagkatapos noon nagbo-blow out naman sa lahat.
Palagay namin, iyang pagiging bugnutin ay natural na sa mga artists. Palagay namin dahil sa pressure sa isang director na magawa niya nang maganda at matapos sa oras ang trabaho kaya nangyayari ang ganyan.
Kung sa bagay, basta may nangyaring ganyan, ano nga ba iyong humingi ng apology?
Maski na iyong mga national artists pa, sina Brocka at Bernal, nagawa rin nila iyan. Sinasabi nga namin, dahil iyan sa pressure na magawa nang maayos at matapos sa oras ang trabaho.
Mayroon ding madalas sabihin si Kuya Leroy noong araw, “basta pumasok ka sa showbiz, huwag kang balat sibuyas. Kung balat sibuyas ka, huwag ka rito. Masasaktan ka lang”.
Mapaligaya lang ang fans Alden ‘waterproof’ na ang tingin sa sarili
Hindi kumanta nang live at nag-lip synch lang si Alden Richard doon sa kanilang countdown na napanood namin sa telebisyon, pero ang hinangaan namin, itinuloy niya ang kanyang performance kahit na makikita mo na malakas na ang buhos ng ulan.
Iyong mga nanonood nakapayong na. Kung iyan si Alden ay pa-star, hihingi rin iyan ng payong para huwag siyang mabasa, o kaya tatanggi nang mag-perform. Pero itinuloy niya ang kanyang performance kahit na basang-basa na siya ng ulan.
Hindi kami magtataka kung noon mismong birthday niya ay bumabahing na siya.
Iyan ang hirap ng buhay ng isang artista.
Hindi mo mapipili ang sitwasyon sa iyong performance. Minsan kailangan mong tiisin ang mabasa ng ulan o kung ano man para lang maibigay mo ang pinakamahusay na performance para sa iyong mga fans.
Kung nagpayong si Alden, o huminging payungan siya ng isang alalay, o tuluyang tumangging mag-perform sa malakas na ulang iyon, walang masasabi sa kanya.
Pero hindi niya ginawa iyon. Itinuloy niya ang performance hindi lang para masabing professional siya, kundi lalo na’t alam niyang ilang oras nang nakatayo sa ulanan ang fans para mapanood lamang siya. Iyan ang professional.