Ang pinag-uusapan talaga ngayon ay ang Honor Thy Father. Dinala pa nga ni Congressman Dan Fernandez ang kaso sa Kamara para imbestigahan.
Ok lang naman for their satisfaction, o kung doon sa sinasabi nga niyang “in aid of legislation”, para makagawa na ng batas na talagang maayos para sa pagsasagawa ng festival na iyan. Pero hindi na bago ang ganyang usapan.
Noon pang 2008, inimbestigahan na rin iyan ng Senado dahil naman sa partihan ng beneficiaries at kung papaano iyan pinatatakbo ng MMDA.
Noon nga lang lumabas na may parteng kinikita ng festival na binabawi rin pala ng gobyerno, kasi binibigyan ng parte ang Optical Media Board na isang ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng Office of the President, na may budget naman mula sa gobyerno.
Lumabas din na may isang parte na napupunta sa “social fund” o bahagi ng discretionary fund ng Presidente ng Pilipinas.
Bukod doon, lumabas din na may natatanggap palang “cash gifts” ang mga namumuno sa MMDA.
Pero ano ang nangyari matapos ang imbestigasyong iyon sa Senado? Wala rin. Pitong taon na, wala pa ring nabago. Ganoon pa rin ang pamamalakad.
Nagkaroon noon ng dalawang resolusyon.
Sinabi ni Senador Bong Revilla na ang MMFF ay ilagay na sa ilalim ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), at isama ang mga kinatawan ng industriya, pati na ng mga film workers’ guilds.
Ang resolusyon naman ni Senador Jinggoy Estrada noon, ibalik na ang pangangasiwa niyan sa Mowelfund, kasama rin ang mga kinatawan ng guilds at ang MMDA.
Halos pareho ang dalawang resolusyon na ibalik ang pamamahala niyang festival sa industriya kagaya noong araw na nagsimula iyan, pero wala ring nangyari.
Bakit nga ba nila isasauli iyan kung may nakikinabang naman?
Kung sinasabi nga ng lahat na nagkaroon ng “injustice”, hindi ba mas magandang dalhin ang kaso sa hukuman?
Iyon ang pinakamagandang venue para makita lahat ng kamalian sa executive order na gumawa niyan ulit.
Nagsimula ang festival sa isang ordinansa ng Lunsod ng Maynila. Naituloy sa pamamagitan ng isang Letter of Instruction noong panahon ni Presidente Ferdinand Marcos. Maayos pa noon. Tapos nagkaroon ng EDSA Revolution, itinuloy iyan dahil sa isang executive order, pero hindi na ang industriya ang nangangasiwa kung ‘di ang MMDA.
Noong unang taon pa lang, ginawa iyang campaign vehicle ng mga OIC ng mga lunsod sa Metro Manila. Sila ang nag-aabot ng mga award.
Dapat noon pa nakita na ang depekto at binago.
Naging powerful masyado ang mga sinehan. Iyon ang dahilan kung bakit ang dating artistic festival ay naging isang trade festival na ang basehan lang ay kumita ng pera.
Walang dudang pabor iyan sa mga sinehan, hindi sa industriya ng pelikula. Kasi iyong industriya, hindi na makagawa ng matinong pelikula.
Ang kailangang gawin nila ay ang mga pelikulang wala mang kuwenta, kikita. Iyon ang nangyayari ngayon.
Ang kailangan diyan ay isang matinong batas na maglalagay sa MMFF sa ayos, hindi iyang mga imbestigasyon. Hindi na magagawa iyan ng kasalukuyang kongreso.
Kailangang hintayin na ang kasunod. Dapat ang gawin ng industriya ngayon ay pag-aralan kung papaano mailalagay sa ayos ang festival, at kung hindi mailalagay sa ayos ‘di huwag na silang sumali.
Pabayaan na lang nila iyong mga once a year film producer.
Sa kasalukuyang estado, walang puwang talaga ang mga matitinong pelikula. Outlet lang iyan ng mga pelikulang kikita ng malaki, sabihin mo mang pangit. Iyon kasi ang gusto ng mga malalaking negosyante, ang mga may-ari ng sinehan.