MANILA, Philippines – Natuwa ang AlDub Nation sa best actress award ng idolo nilang si Maine Mendoza aka Yaya Dub para sa My Bebe Love. Sa nakaraang MMFF 2015 Awards Night.
May ibang nagtaas naman ng kilay sa panalo ni Maine.
May iba rin na nagsasabing sumakay sa AlDub fever ang mga taga-MMFF 2015.
May mga malalakas naman ang loob na nagsabing imposibleng talunin ni Maine si Lotlot de Leon na napakagaling daw sa Buy Now, Die Later.
Ang iba, quiet lang, takot kasi silang ma-bash ng AlDub Nation!
May mga kaibigan naman ako na nagsasabing deserving si Maine dahil for a newcomer, nakaarte talaga siya sa pelikulang My Bebe Love.
Sabi pa ng mga tagapagtanggol ni Maine, wala naman daw ‘yun sa bigat ng role dahil ang importante ay nakaarte ang kanilang idolo sa role na ibinigay dito sa pelikulang My Bebe Love.
Samantala, karamihan din ng fans ng AlDub ay paulit-ulit na pinapanood ang My Bebe Love dahil ayaw nilang masulot sa pagiging number one sa takilya ang pelikula ng kanilang mga iniidolo.
Speaking of AlDub fans, issue pa rin ang tungkol sa ticket-switching dahil sa reklamo ng ilan sa kanila na imbes na tickets daw sa My Bebe Love ang ibigay sa kanila ng takilyera, ticket sa kalabang pelikula ang naibigay.
Honest mistake naman daw ‘yun, pero para walang reklamo, bago pa umalis sa takilya, i-check mabuti ang tickets para siguradong tamang ticket ng pelikulang panonoorin ang maibigay sa inyo!
Jeron walang ka-date sa panonood ng MMFF movies
Na-sight si Jeron Teng sa 3:00 p.m. screening ng #WalangForever sa Robinsons Magnolia Cinemas kahapon.
Walang ka-date si Jeron, pamilya niya ang kanyang kasama.
Katulad ng naisulat ko na before, mahilig manood ng Metro Manila Film Festival (MMFF) movies ang pamilya ng De La Salle University Green Archers member.
Ang #WalangForever ang pang-apat sa MMFF 2015 entry na napanood ni Jeron at ng kanyang pamilya dahil noong Christmas day, pinanood nila sa Greenbelt 3 ang Honor Thy Father ni John Lloyd Cruz, a day after Christmas naman, ang Beauty and the Bestie nina Vice Ganda at Coco Martin ang pinanood nila at noong Sunday, ang My Bebe Love naman nina Vic Sotto, AiAi delas Alas, Alden Richards, at Maine Mendoza ang in-enjoy nilang panoorin.
Malamang, mapanood ni Jeron at ng kanyang pamilya ang walong MMFF 2015 entries!
Boots at mister fan nina Jennylyn at Jericho
Namataan din si Boots Anson Roa at ang mister niyang si Atty. King Rodrigo sa Robinsons Magnolia kahapon.
Nanood din ng MMFF 2015 ang veteran actress at ang kanyang mister.
Ang #WalangForever din ang pinanood ng mag-asawa at ‘yun daw ang unang pelikula sa MMFF 2015 na pinanood nila.