Jennylyn nanginig nang ideklarang Best Actress!

Dalawang Belo beauties ang winner sa Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2015, sina Jennylyn Mercado at Maine Mendoza.

May-I-congratulate kaagad ni Dra. Vicki Belo ang kanyang mga celebrity endorser na gumawa ng ingay sa MMFF 2015.

Kahit marami ang nagsasabi na sure winner siya na best actress, nanginig pa rin ang katawan ni Jennylyn nang ideklara siya na panalo.

Hindi kasi umaasa si Jennylyn na mananalo pa siya dahil nakuha na niya ang best actress trophy noong 2014 para sa English Only, Please.

Back-to-back victory ang nangyari kay Jennylyn dahil siya uli ang best actress dahil sa acting niya sa #WalangForever.

Next year, baka magkaroon uli ng filmfest entry si Jennylyn dahil dalawang taon nang magkasunod na namamayagpag ang kanyang name sa MMFF.

Maine destiny talaga ang mag-artista

Luckiest newcomer naman si Maine Mendoza dahil first movie pa lang niya, may acting award agad siya.

Destiny talaga ni Maine na maging artista at dumating sa kanya ang big break sa tamang panahon.

‘Yun nga lang, na-miss niya ang moment na magbigay ng acceptance speech at makadalo sa isang awards night dahil nagbabakasyon sila sa Japan ng pamilya niya.

Puwede naman na i-deliver ni Maine ang kanyang acceptance speech sa live broadcast ng Eat Bulaga sa pagpasok ng 2016.

Walang masamang tinapay bumubuo ng HTF sumipot sa Awards Night

Hindi nag-boycott ang stars at staff ng Honor Thy Father dahil umapir sila sa awards night ng MMFF 2015.

Dumalo sina Meryll Soriano at Tirso III pero dinedma ng direktor na si Erik Matti ang okasyon dahil sa kanyang mga emote laban sa MMFF Executive Committee na nag-disqualify sa kanyang pelikula sa best picture category.

Hindi man siya umapir, nagpadala ng sulat si Matti at ito ang binasa ng kanyang sugo nang manalo siya ng best director award.

Nag-file naman kahapon si Congress­man Dan Fernandez ng panukala para imbestigahan ng Kongreso ang diu­ma­no’y anomalya sa MMFF 2015.

Walang kumuwestyon sa motibo ni Dan bilang cast member din siya ng pelikula na naitsapwera sa best picture ca­tegory.

Nanood ng #WalangForever biglang nadagdagan

Ang Honor Thy Father ang bukambibig ng mga nagwagi sa MMFF 2015.

Hiniling ng mga MMFF winner sa mga Pilipino na suportahan ang Honor Thy Father dahil magandang pelikula ito.

Maganda rin ang speech ni Atty. Joji Alonso ng Quantum Films tungkol sa pelikula na inisnab ng MMFF 2015 Execom.

Kasunod ng suporta ni Atty. Joji ang panawagan na huwag lamang dalawang pelikula ang panoorin.

Ang Quantum Films ang producer ng #WalangForever at Buy Now, Die Later, ang best picture at second best picture, respectively ng MMFF 2015.

Dumami ang mga nanood kahapon sa #WalangForever dahil sa balita na deserving na best picture ang pelikula na mas maganda raw kesa English Only, Please.

Ticket swapping sa mga sinehan, totoo raw

Sumusumpa ang mga kakilala ko na may naganap na ticket swapping sa mga sinehan na pinagtatanghalan ng dalawang pelikula na kasali sa MMFF 2015.

Pinatotohanan ng isang online entertainment reporter na biktima siya ng ticket swapping dahil ticket para sa ibang pelikula ang ibinigay sa kanya ng takilyera.

Marami pa ang kuwento ng ticket swapping na nakarating sa akin at hindi nakakapagduda ang testimonya ng mga biktima dahil sila mismo ang mga sangkot sa cheap modus ng mga mapagsamantala.

Show comments