Pia nag-bloom!

Nag-bloom ang beauty ni Pia Wurtzbach, isang araw matapos na mapanalunan niya ang Miss Universe crown.

Lalong gumanda si Pia sa paningin ng lahat sa breakfast in bed picture na kuha mula sa kanyang hotel room.

Malaki na ang ipinagbago ng buhay ni Pia dahil sa magandang kapalaran na dumapo sa kanya na pinaghirapan naman niya. Hindi madali na sumali ng tatlong beses sa Bb. Pilipinas para matupad lamang ang kanyang pangarap na maging Miss Universe.

Mama Stella, may mata sa pagpili ng mga kandidata

Kumbinsido ako na may “mata” talaga si Mrs. Stella Marquez de Araneta sa pagpili ng mga kandidata na ipinadadala sa iba’t ibang mga international beauty pageant.

Kahit may mga hurado ang Bb. Pilipinas, malaki pa rin ang kinalaman ni Mama Stella sa pagpili ng winner at may karapatan siya na magdikta dahil former beauty queen din siya. Para que pa’t siya ang founding director ng Bb. Pilipinas Charities Inc.?

Pagbabalik sa Pinas ng bagong Miss U, malamang maging special holiday

Wala pang balita kung kailan uuwi ng  Pilipinas si Pia Wurtzbach pero malamang na maging “special holiday” ang kanyang pagbabalik dahil sa karangalan na dinala niya sa ating bansa.

Matagal na rin mula nang magkaroon ng ticker tape parade dahil Pinay ang nag-win sa Miss Universe.

Forty-two years ago na mula nang pumarada si Margie Moran, ang second Pinay na nag-win ng Miss Universe crown noong 1973.

Mag-expect tayo na mas magiging mainit ang pagsalubong kay Pia dahil nanalo siya sa panahon na lulong ang mga Pinoy sa Internet at social media.

Mema lang naman… mga kaibigan kuno ni Pia, biglang naglutangan

Nagkausap na sina Pia at Pauleen Luna sa telepono. Ang sey ni Pauleen, parang lu­tang pa rin ang kanyang bestf­riend nang magkausap sila pagkatapos ng tagumpay ni Pia sa Miss Universe.

At least, tunay na friend ni Pia si Pauleen. Matagal na silang magkakilala at malalim ang kanilang pinagsamahan.

Hindi katulad ng ibang  “friends” kuno ni Pia na biglang maraming kuwento tungkol sa kanya, kahit mababaw lamang ang kanilang friendship. Sila ang mga kaibigan na tinatawag na “Mema” o me masabi lang at sakay na sakay sa success ng bagong Miss Universe.

Star Wars wawakasan na muna sa mga sinehan?!

Pansamantalang mahihinto ang showing sa mga sinehan ng Star Wars: The Force Awakens dahil sa opisyal na pag-uumpisa bukas ng Metro Manila Film Festival 2015.

Ibabalik lamang sa mga sinehan ang Star Wars kapag natapos  sa January 7, 2016 ang MMFF.  Kumita na ng milyun-milyong salapi sa Pilipinas ang Star Wars dahil itinaas ang presyo ng tickets.

Taun-taon, naging tradisyon ng mga Pilipino na manood ng sine tuwing December 25 at talagang pinipilahan sa box office ang mga pelikulang Tagalog.

Hindi ko lang alam kung magbubukas uli ng 8 a.m. ang mga sinehan para ma-accommodate ang libu-libong manonood ng walong entries sa MMFF 2015.

Kinagabihan, nakaabang ang lahat sa mga news program dahil hinihintay nila ang report tungkol sa mga pelikula na number one sa box office.

In fairness sa mga news program, hindi ibinabalita ng mga news anchor ang mga pelikula na nangulelat sa takilya at dinedma ng moviegoers.

Show comments