Dahil naging maulan at maraming baha, may mga araw na hindi na kami lumabas ng bahay noong nakaraang linggo, at maganda naman iyon dahil nabigyan kami ng “TVtime”. Iyong sapat na panahon para manood ng TV na matagal na naming hindi nagagawa. Kahit na panay ang labas ng reminder sa aming TV na “you have been watching for more than 2 hours” ay sige pa rin kami.
Sa panonood namin, may dalawang Christmas station ID na masasabi naming remarkable. Uunahin namin ang sa TV5. Walang malaking stars at animation ang kanilang ginamit. Nagkuwento sila tungkol sa isang bata na malungkot, nakapulot ng tatlong bolang pula, naging juggler at yumaman. Nang matanda na siya bale wala na rin ang lahat, hanggang sa may lumapit sa kanyang isang bata na nagpaalala sa kanya, “kailangan mong maging kagaya ng isang musmos, dahil iyan ang pumapasok sa kaharian ng Ama”. It is a biblical doctrine. Binigyan siya ulit ng tatlong bolang pula, at muling sumaya ang kanyang buhay.
Happy Kidsmas, sabi nga nila. Pero naroroon ang mensahe na hindi totoo ang kasabihan na Christmas is for children. Ang mensahe, dapat kang maging isang parang batang musmos para mas maging makahulugan ang Pasko. Napakaganda ng mensahe ng station ID na iyon. Talagang masasabi naming inspiring. Nakakabuhay ng loob.
There was a time na may Christmas ID rin ang TV5 na ang ipinakikita ay ang mga malalaking stars na nasa kanilang network. Natatandaan namin ang tema noon, “para sa iyo Kapatid”. Pero ang sinasabi roon ay ang mga show nila na pinagbubuti nila at inihahandog sa mga tao. Mas magandang ‘di hamak ang kanilang Christmas ID ngayon, na walang malaking artista pero naroroon ang magandang mensahe ng Pasko. Hindi diretsahan, pero naroroon ang turo ni Kristo na siyang tunay na dahilan kung bakit may Pasko. Happy Kidsmas.
Napansin din namin ang Christmas ID ng GMA 7. Ipinakita ang isang mahirap na batang malungkot, tapos may isang batang mukhang nakakaangat sa buhay. Nagkasalubong sila, pero hindi pinansin ng batang nakakaangat sa buhay ang batang mahirap at malungkot.
Tapos ipinakita ang mga nakakasiyahan sa Pasko. Natural naroroon ang malalaking stars ng GMA 7 na siya naman nilang ipinagmamalaki.
Makikita mo talagang binigyan ng mas malaking exposure ang talagang mga sikat na stars. Pero walang naiwan, naroroon ang lahat ng stars ng network. Naroroon maging ang news personalities ng network.
Ang ending ng Christmas ID nila, ipinakitang muli ang dalawang bata, iyong mahirap at mayaman. Pareho silang may hawak na manyika na magkapareho. Tapos nagyakapan sila. Ang mensahe “Magmahalan tayo ngayong Pasko”. Ang mensahe, dapat pantay-pantay ang Pasko. Dapat lahat makadama ng pagmamahal kung Pasko. Nakakabuhay din ng loob ang mensaheng iyan.
Ang dalawang Christmas ID ay mayroong drama. Alam mong pinag-isipan at hindi pinagtagpi-tagpi lamang. Pareho iyong may mga mensaheng Kristiyano. Ganoon naman dapat. Kahit na kung Pasko lang, huwag munang isipin ang negosyo, isipin muna na maging maligaya ang lahat, after all iyon ang dahilan kung bakit may Pasko, upang maligaya ang lahat sa isang bagong pag-asa. Ang pagsilang ni Kristo ay pag-ibig at pag-asa. Iyon ang talagang diwa ng Pasko.