Binigyan ng GMA Artist Center ng pocket presscon si Janine Gutierrez para sa first Metro Manila Film Festival (MMFF) entry din niya, ang Buy Now, Die Later ng Quantum Films Productions.
Excited siya dahil for the first time din, makakasama niya ang mommy niyang si Lotlot de Leon, although sa eksena, hindi sila magkakasama dahil sa story.
Nakasama niya sa movie ang Kapamilya stars na sina Vhong Navarro, Alex Gonzaga at John Lapus na nakasama na rin niya sa ibang shows ng GMA. Excited din siyang sumakay sa float sa parade of stars sa December 23.
Since magtatapos na ang 2015, natanong na si Janine kung ano ang mga achievements na nagawa niya sa taong ito?
“Siguro po, una iyong primetime romantic-comedy series namin ni Elmo (Magalona) na More Than Words,” kuwento ni Janine. “For the first time, nakasama ko sa isang drama story si Mama Nora (Aunor) at mommy ko (Lotlot), natupad ko rin ang wish ko na makagawa ng movie, at hindi lamang isa kundi tatlo pa. Ang totoo po, una kong ginawa ang Lila with Enchong Dee, kaya lamang itong Buy Now, Die Later ang mauunang ipalabas sa MMFF, ang Lila sa Sinag Maynila Film Festival sa March, 2016 at ang Dagsin sa Cinemalaya sa July, 2016. Then, binigyan ako ng GMA 7 ng morning serye, ang Dangwa na katambal ko sina Mark Herras at Aljur Abrenica.”
Ayaw sanang aminin ni Janine na nag-audition na siya sa remake ng epic serye na Encantadia pero pinayagan na rin siya, hindi pa raw niya alam kung ano ang magiging character niya. Magsisimula raw silang mag-taping ng Enca sa February, 2016, kaya ang kanyang Dangwa ay hanggang February na lamang mapapanood.
Alden at Yaya Dub, sinasanay na sa hosting
Akala ng AlDub Nation na sumusubaybay sa kalyeserye ng Eat Bulaga ay mababawi agad ang kilig nila kina Alden Richards at Maine Mendoza aka Yaya Dub noong Monday, nang kahapon ay biglang nag-appear muli ang Russian model na si Cindy.
Pero hindi na tulad ng dati, kahit nayakap ni Cindy si Alden, sa pahintulot ni Yaya, mas close sila ni Yaya at mukhang nakalimutan na niya ang pagkagusto niya kay Alden, hindi na rin daw siya kinakausap ni Lola Babah (AiAi delas Alas) kaya nagpaalam na rin siya kina Alden at Yaya. Wala ang tatlong lola, sina Nidora, Tidora at Tinidora na sabi ni Yaya ay nasa Dipolog dahil naghahanap ng tulong para makabili sila ng bagong bahay.
Kaya tulad noong Monday, sina Alden at Yaya muli ang nagsugod-bahay kahit umuulan.
Mukhang pina-practice na talaga ng Eat Bulaga ang kaalaman ng dalawa sa hosting. Mukha namang nakukuha na nila ang paraan ng pagho-host nina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros. Swak na swak at very comfortable na sa isa’t isa sina Alden at Yaya.