Gov. Vi, aligaga sa bagyo
Natatawa na lang si Governor Vilma Santos nang makausap namin. Sino nga ba ang mag-aakala na magkakaroon ng isa pang problema bago matapos ang taon?
Mabuti na nga lang at nataon din sa panahong kailangang mamahinga muna si Angel Locsin dahil katatapos lamang ng kanyang operasyon.
Naipit na naman kasi ang schedule ni Ate Vi dahil sa bagyong si Nona.
Hindi pa naman nararamdaman ang epekto ng bagyo noong kausap namin siya, pero sinasabi niyang in full swing na nga ang kanilang paghahanda sa buong probinsya dahil sa warning na malakas nga ang bagyo at kahit na hindi sila nabanggit na posibleng dumanas ng daluyong, pinasabihan na rin daw niya ang mga bayang malalapit sa dagat na umiwas na muna.
Meaning ang lahat ng mga iyan, bago pa magsimula ang bagyo ay kailangang dalhin na sa mga evacuation center.
Kasi sabi nga ni Ate Vi, hindi bale na gumastos basta masigurong walang masasaktan sa bagyo. “Pinakaimportante ang buhay ng tao,” giit pa ng gobernadora.
Pero naniniwala naman siya na makakaraos nang maayos ang lahat, una apektado lang naman sila ng bagyo at hindi naman sinasabing sa kanila dadaan mismo iyon. Pero mabuti na rin ang handa. At saka sinasabi nga niya, humingi na rin daw siya ng dasal ng mga tao dahil wala nga namang makapagliligtas nang sigurado kundi ang mga panalangin.
Wala nga siyang shooting sa ngayon, at hindi rin naman halos nagkakampanya, kaya natututukan niya ang paghahanda para sa bagyo. Doon talaga naka-focus ang buo niyang atensiyon.
Iyon naman ang sinasabi ni Ate Vi na naging magandang pagbabago sa kanyang buhay simula nang siya ay maging isang public servant.
Noon daw kasing nag-aartista pa lamang siya, parang hindi rin siya aware sa mga nangyayari.
Kung may mga bagyo o anumang kalamidad, basta ligtas ang pamilya niya ay wala nang problema.
Ngayon, bago pa dumating ang kahit na anong kalamidad, pinaghahandaan na niya hindi lang para sa pamilya niya kundi para sa lahat, at sinasabi nga niyang iyon ang isang positive change sa kanyang buhay ngayon.
MMFF unti-unti nang pinapasok ng indie producers
May mga nagsasabi, ang kapuna-puna sa film festival ngayon ay ang pagkakapasok ng mga independent movies na mula sa mga indie producers.
Dalawa ang entries ng Quantum, ang Buy Now, Die Later at ang Walang Forever.
Nariyan pa rin naman ang Regal na may Haunted Mansion at Honor Thy Father. Dalawa rin ang sa Star Cinema, ang Beauty and Bestie at saka All You Need is Pag-Ibig.
Pero nakakatuwa nga na nakakapasok na ang mga independent producers at marami ka ring makikitang mga baguhang director at nakilala nga nating mga experimental movies.
Kasi ang mga experimental movies, iyan ang walang takot sa mga bagong concept ng istorya at pelikula. Iyan din ang gumagamit ng mga makabagong teknolohiya. Iyan naman ang nagpapaganda sa isang festival.
Noong araw kasi, karamihan naman ay mga major film companies lamang ang namamayani sa festival, ngayon nakikita natin na nakakapasok na ang experimental films.
Napapansin din natin na may mga independent producers na nga, na nagbibigay naman ng pagkakataon sa ibang mga talents, hindi kagaya ng iba na dahil sila nga rin ang nagpo-produce ng sarili nilang pelikula, laging sila na rin ang bida at paulit-ulit na lamang ang mga ideya.
Maganda naman iyong ganyang may pagbabago.
- Latest