Exactly 12 days before Christmas. Labindalawang araw na lang din at magsisimula na ang pinakamalaking movie event sa Pilipinas, ang Metro Manila Film Festival (MMFF).
Masasabing iyan naman talaga ang pinakamalaki, dahil bukod iyan ay nagmula sa kauna-unahang festival sa bansa, ang Manila Film Festival noong 1966, ang MMFF din ang nakakakuha ng “public support”.
Sa buong sampung araw ay inilalabas sa lahat ng sinehan sa Metro Manila ang mga pelikulang kasali sa festival.
Maski sa probinsya, nakikipagsabayan na rin sila sa pagpapalabas. Kaya masasabi ring iyong tinatawag na “Christmas week”, talagang halos puro pelikulang Pilipino ang palabas sa buong bansa.
Hindi namin masasabing ang lahat ng mga pelikulang palabas sa panahon ng festival ay maganda.
Hindi naman talaga. Kasi iyang MMFF ay isang “trade festival”, at ang una nilang consideration sa pamimili ng pelikulang kasali ay kung commercially viable nga ba iyon. Kikita ba iyon? Nagkakamali rin sila, dahil may mga pelikulang naisali nila in the past na nangamote sa takilya, pero talagang ganoon lang.
Napakamahal na ng bayad sa sine, kaya natural lang sa mga tao na mamili na lang kung ano ang panonoorin nila. Inaamin namin, hindi lahat ng pelikula ay panonoorin namin.
Nagbabayad din kami sa sine dahil gusto naming kumita ang festival sa kabuuan, dahil bahagi ng kita niyan ay napupunta sa industriya.
Hindi totoong lahat ng kinikita niyan ay ibinibigay ng gobyerno sa industriya.
May bahagi ng kita ng festival na kinukuha pa rin ng gobyerno. May bahaging kinukuha ng Optical Media Board (OMB), at may bahagi ring napupunta sa “social fund” ng presidente ng Pilipinas.
Bukod pa sa napupunta sa MMDA, at doon sa mga tinatawag nilang “cash gifts” sa mga opisyal ng gobyerno na tumulong at sinasabi nilang “napagod din naman” sa festival.
Sa taong ito, ang balak naming unang panoorin ay mga pelikulang horror. Iyan kasing mga horror, hindi agad iyan ang top grosser sa unang araw. Hindi iyan masyadong masikip, pero sa pagdaraan ng mga araw unti-unting sisikip ang mga sinehan niyan.
Uunahin naming panoorin ang mga pelikulang Buy Now, Die Later at Haunted Mansion. Mukha kasing parehong naiiba ang concept at gusto naming makita kung gaano kagaling ang kanilang optical effects.
Susunod naming i-consider ang isang seryosong love story. Panonoorin namin iyong Walang Forever.
Hindi naman natin maikakaila na parehong mahusay na artista sina Jericho Rosales at Jennylyn Mercado, kaya hindi sayang ang pera ninyo kung panonoorin ninyo ang pelikulang iyan.
Tapos panonoorin namin ang isang comedy, iyong Beauty and the Bestie nina Coco Martin at Vice Ganda. Interesado kasi kaming makita ang isang dramatic actor, si Coco na nagko-comedy. Gusto rin naming mapanood sa pelikula sina James Reid at Nadine Lustre dahil hindi pa namin sila napapanood sa pelikula. Hindi namin pinanood ang mga nauna nilang nagawang pelikula.
Kung kukuwentahin ang gastos sa panonood ng mga pelikulang iyan, aba isang libo na ang gastos diyan, puwera pa ang pamasahe at pambili ng popcorn.
Sobrang gastos na iyan para sa sine sa loob lamang ng isang linggo. Para sa amin tama na iyan.
Nasa inyo kung ano’ng iba pang pelikula ang gusto ninyong panoorin. Basta kami, sinasabi lang namin kung ano’ng mga sinehan ang aming papasukan, kung ano ang choices namin na pagkakagastahan namin ng perang pinaghirapan naman naming kitain.
Sa panahong ito na hindi naman talaga maganda ang takbo ng buhay, hindi naming mairerekumenda na panoorin ninyo ang lahat ng mga pelikula dahil malaking gastos na iyon para sa kahit na sino man.