Walong taon nang ginagawa ni Governor Vilma Santos ang Ala Eh Festival sa Batangas.
Isa iyan sa mga kauna-unahang proyekto niya sa lalawigan simula nang maging gobernador siya dahil sa paniniwala niyang makatutulong iyan sa lalawigan at mapauunlad ang turismo.
Pero noong isang gabi, bagama’t sinasabi niyang iyon na ang kanyang huling Ala Eh Festival, dahil iyan na rin ang kanyang huling taon bilang isang gobernador, para bang excited pa rin siya sa mangyayari.
Nagkukuwento siya na pitong araw na ang kanilang festival, nagkaroon sila ng isang beauty pageant. Nagkaroon sila ng isang trade fair kung saan makikita ang lahat ng mga pangunahing produkto ng iba’t ibang bayan ng Batangas. At noong gabing iyon nga ay ang kanilang talent search, ang Voices, Songs, and Rhythm, na sinimulan niya noong panahong mayor pa lang siya ng Lipa, at natangay na nga niya hanggang sa maging governor siya, at mas pinalawak pa dahil naging Ala Eh Festival na nga iyon.
Inaamin din naman ni Ate Vi, na hindi siguro magiging matagumpay ang proyektong iyon kung hindi rin niya nakuha ang tulong ng mga kasamahan niyang artista.
Noong gabing iyon, naroroon sina Billy Crawford, Vhong Navarro, Alex Gonzaga, Dingdong Avanzado, Jessa Zaragoza, Christian Bautista, Jovit Baldivino at maraming iba pa.
Mayroon pa nga raw na-traffic at hahabol pa rin sa nasabing okasyon na hindi na namin nahintay. Kung hihintayin naming matapos ang lahat ng iyon, baka nga madaling araw na kami makauwi.
Natanong nga rin si Ate Vi, papaano iyan, last term na niya bilang gobernador. Papaano na ang Ala Eh Festival?
Harap-harapan, hiniling niya sa ibang opisyal ng Batangas na ituloy ang nasimulang festival, at sinabi naman nilang gagawin nila iyon. Nakita na kasi nila ang magandang epekto noon sa probinsiya, bakit nga ba hindi pa nila gagawin?
Isa pa, nagawa na raw batas ng sangguniang panlalawigan iyang padiriwang ng Ala Eh Festival taun-taon kaya hindi maaaring hindi iyan ituloy.
Ang pangako naman ni Ate Vi, kahit na hindi na siya governor, hihingin pa rin niya ang tulong ng mga kapwa niya artista para sa festival na iyon, na mabilis din namang sinagot ng mga artistang naroroon na hanggang gusto ni Ate Vi na tumulong sila, tiyak na dadayo sila sa Batangas, kahit na sabihin mong matindi ang traffic.
Aba hindi lang sa Metro Manila ang traffic, maging iyong papasok sa Batangas, sa Turbina, aba matindi na rin ang traffic ngayon. Pero may ginagawa na raw naman silang solusyon, sabi ni Ate Vi.
Iyong mga tao naman sa Batangas, aba eh wala silang pakialam. Medyo umambon pa, pero hindi nag-alisan ang mga taong nanonood. Sigaw sila nang sigaw basta ang kumakanta na ay ang mga kinatawan ng kanilang bayan. Mahahalata mo, bawa’t contestant may kasamang grupo.
In fairness, magagaling namang lahat ang sumali ngayong taong ito.
Akala mo mga professional singers na kung pakikinggan ay pinili mula sa mga barangay.
Nang tanungin si Ate Vi, bakit naman naisip niya ang isang singing contest. Ang naging sagot niya, kasi sa kanila raw pag-aaral, nalaman nilang maraming mahusay kumanta talaga sa Batangas.
Kasi noong araw daw, basta may mga umpukan, tiyak na may kantahan. Dahil diyan marami sa kanila ang nahasa sa pagkanta.
Idinugtong pa ni Ate Vi, “at saka bakit singer din naman ako eh”.