MANILA, Philippines - Overwhelming ang naging suporta sa ginanap na 20th anniversary celebration sa Gateway Cineplex ng longest-running comedy/gag show ng GMA Network na Bubble Gang (BG).
Bukod sa pagrampa ng buong bg barkada, higit na naging espesyal ang okasyon sa pagdalo ng GMA Network Chairman at CEO Felipe L. Gozon sa naturang event. Matapos ihandog ng Kapuso ace comedian na si Michael V. ang kauna-unahang kopya ng IMBG: I Am Bubble Gang (The Bubble Gang 20th Anniversary Commemorative Comedy Chronicles), binigyang-pugay ni Gozon ang lahat ng bumubuo ng bg at nagpasalamat sa patuloy na pagiging bahagi ng programa sa kulturang Pinoy.
Aniya, “gusto ko lamang magpasalamat, sa ngalan ng GMA Network, sa mga bumuo at kasalukuyang bumubuo ng bubble gang dahil ito ang pinakamatagal na TV comedy series. Ang Bubble Gang din ang nagbibigay sa ating lahat ng tunay na Pinoy jokes, gags, sketches, parodies at spoofs. Ang Bubble Gang din ang nagbibigay sa atin ng pinaka hindi malilimutang mga characters na tumatak sa pop culture. At sa pagbibigay sa mga Pilipino ng tuwa at kaligayahan linggu-linggo at higit sa lahat sa pagiging isang phenomenon. At ito ay in good times and in bad times, in our country’s highs and lows, ito ang tunay na comedy series for all seasons.”
Bukod kay Bitoy, nakisaya rin ang buong creative at production team ng Bubble Gang sa pangunguna ng direktor ng programa na si Uro Dela Cruz at program manager na si Bang Arespacochaga. Proud na proud rin ang cast members ng bg na sina Andrea Torres, Antonio Aquitania, Arny Ross, Betong Sumaya, Boy 2 Quizon, Chariz Solomon, Denise Barbacena, Diego Llorico, Jackie Rice, James Macasero, Jan Manual, Juancho Trivino, Max Collins, Mikael Daez, Mycah Flores, Paolo Contis, Rj Padilla, Roadfil Macasero, at Sef Cadayona.
Nagbigay suporta rin ang GMA Senior Vice President For Entertainment TV, Lilybeth G. Rasonable; GMA Vice President For Entertainment TV, Marivin T. Arayata; GMA Vice President For Drama, Redgie A. Magno; German “Kuya Germs” Moreno at iba pang mga executives ng Kapuso network.