Ina ni Pastillas Girl binaril at pinatay ng malapitan!

Teresa at Angelica

Siguro nga ito na ang isa sa pinakamalungkot na Pasko para kay Angelica Yap, o kilala sa tawag na Pastillas Girl.

Ang nanay niya na kinilalang si Teresa Yap, isang kagawad ng barangay ay binaril ng isang hindi pa nakikilalang suspect sa isang kainan sa kanto ng Tagaytay St., sa Barangay 131 ng Kalookan City.

Naisugod pa si Aling Teteng sa Chinese Gene­ral Hospital pero idineklara rin siyang patay noong Linggo ng gabi.

May kaanak si Aling Teteng na kinilala namang si Tumping Fabian, na nagsabing nitong mga nakakaraang araw ay may natatanggap na siyang pagbabanta sa pamamagitan ng text na nagsasa­bing “hindi na siya aabutin ng Pasko”. Hindi naman daw gaanong pinansin ni Aling Teteng iyon.

Nilapitan na nga lang daw ng suspect si Aling Teteng at binaril nang malapitan sa ulo, gamit ang isang baril na 9 mm., base sa mga nakuhang basyo sa pinangyarihan ng krimen. Tapos tumakas ang suspect sa pamamagitan ng motorsiklo.

Mabilis namang nakasunod si Pastillas Girl sa kanyang nanay sa ospital at nagpahayag na umaasa siyang makakamit ng kanyang ina ang hustisya.

Wala silang nalalamang kaaway ng kanyang ina. Wala rin naman silang alam na kinasangkutan noong hindi tama. Wala silang alam kung ano ang dahilan at may magbabanta sa buhay ni Aling Teteng, pero ibinagsak na lang siya ng bala nang walang dahilan.

Ang nangyari sa nanay ni Pastillas Girl ay isang katunayan na talagang laganap ang karahasan sa ating lipunan sa ngayon. Bakit nga ba nangyayari ang ganyan? Sino nga ba ang nag-iisip ng mga ganyang krimen, laban sa isang babaing 43 anyos na, at walang kalaban-la­ban nang paslangin. Nakatalikod pa raw si Aling Teteng nang barilin eh.

Nakakalungkot ang mga gan­yang pangyayari. Kaya nga marami ang nag-iisip na ka­ila­ngan talaga ngayon ang kamay na bakal laban sa mga criminal na iyan. Hindi puwede ngayon iyong lalambut-lambot tayo laban sa krimen. Hindi mo mai­ka­katuwiran na kung alam ko lang baka may nagawa ako. Kailangan may gawin na ang mga nasa gob­yerno para mapababa ang kriminalidad.

Kawawa rin naman si Pastillas Girl at ang kanyang mga kapa­tid. Mahirap ang mawalan ng nanay. Mas mahirap tanggapin iyan lalo na at malapit na ang Pasko.

Sikat na loveteam, palaos na dahil sa hilaw na acting sa teleserye

Ang tsismis, “pinindot na naman nila ang panic button”, this time dahil sa isang love team. Months back, talagang dumadagundong ang palakpakan sa love team, ngayon sinasabi nilang mukhang nagsisimula nang bumaba ang kanilang popularidad. Mayroong nagsasabing dahil nabigo silang mai-deliver nang maayos ang inaasahan sa kanilang drama. Lumabas na mukhang hilaw pa sila para sumabak sa totohanang acting. Nagkaroon kasi ng comparison sa ginagawa nila at sa mga da­ting gumawa ng kanilang serye at ang comment ng ilang kritiko sa loob mismo ng network, “they failed miserably”.

Ganoon pa man, asahan nating pipilitin ng network na isalba sila dahil nakikita pa rin naman sa kanila ang isang malakas na “earning potentials”. Sabi nga raw ng isa sa mga boss, baka nagkamali lang sila ng ilang moves pero maisasalba pa naman ang sitwasyon.

Mayroon namang nagsasabi na baka hanggang doon lang talaga ang kaya ng loveteam. Ang nakakatakot, baka may mga mawalan na naman ng trabaho dahil sa nangyaring iyan, kagaya rin noong nangyari sa staff ng isa nilang show na bumalibag din sa ratings.

Show comments