Actually hindi kami ang kausap noon ni Andi Eigenmann.
Katatapos lang noon ng press conference ng Angela Markado, nagkukuwentuhan kami ng aming kaibigang si Alfie Lorenzo at ilan pang mga movie writer doon sa labas ng venue nang dumaan si Andi.
Ewan nga ba kung bakit nasabi ni Alfie na naguguluhan ang mga tao sa sinasabi ni Andi.
Noong una kasi, maliwanag na ang itinuturo niyang tatay ng kanyang anak ay ang naging boyfriend niyang si Albie Casiño.
Tapos ngayon, may statement siyang ang talagang tatay naman ng kanyang anak ay si Jake Ejercito. Sino ba talaga?
Napaka-casual ng pagkakasagot ni Andi sa tanong na iyon at dinig na dinig namin ang kanyang sinabi, “si Jake po talaga. Kaya lang takot kami kay Erap.”
Doon naman pala sa loob earlier, dahil napanood namin ang video, sinasabi ni Andi na hindi mahalaga kung sino man ang biological father ng kanyang anak, pero noong panahong kailangan noon ng kalinga ng isang ama, at noong panahong nagbubuntis siya, ang naroroon ay si Jake. Kaya sinasabi niya na si Jake ang talagang tatay ng kanyang anak.
Dalawang magkaibang statements iyan. Doon sa loob ng presscon, ang sinabi niya ay hindi naman si Jake ang biological father pero siya ang umako ng responsibilidad noong una.
Break na rin yata kasi sila ni Jake ngayon. Iyong narinig namin sa labas, maliwanag ang sinabi niyang si Jake talaga ang tatay pero iba ang kailangan niyang sabihin dahil takot lamang silang magalit si Erap.
Doon lamang sa magkaibang statement na iyon na minuto lang ang pagitan, lalo kaming na-confuse eh. Hindi kami magtataka kung bakit maging ang mga sinasabi niyang tatay ng kanyang anak ay hindi rin malaman kung sila nga ba o hindi.
Ang inaalala namin diyan, ang kapakanan ng bata. Artista si Andi, lahat ng sinasabi niya nasusulat sa media. Papaano na paglaki ng bata at siya mismo ang matanong dahil conflicting nga ang statement ng nanay niya kung sino talaga ang tatay niya?
Relihiyon ni Kathryn, malaking isyu na
Kailan ba naging issue ang relihiyon sa show business? Palagay namin hindi naman eh.
Kasi ano ba ang kinalaman ng relihiyon sa pagiging isang artista?
Nagtataka kami kung bakit parang nagiging issue ang relihiyon ni Kathryn Bernardo.
Pinag-uusapan na noon daw sumikat na siya, hindi na siya sumasamba. INC pala sila. Dati raw doon sumasamba si Kathryn at ang pamilya niya sa lokal ng Cubao, ngayon hindi na sila nakikita.
Hindi ba maaari rin namang sumamba sa ibang lokal, at kailangan lamang ay kumuha ng katibayan?
May nagtatanong pa, itiniwalag na raw ba si Kathryn kaya nag-endorso rin ng isang kandidato na bawal sa Iglesia dahil naghihintay sila kung ano ang magiging desisyon ng Iglesia mismo sa kanilang susuportahan? Eh artista iyan eh, kinuha silang endorser.
Ano naman ang kinalaman ng relihiyon doon? Para lang iyang commercial ng make-up, hindi naman ibig sabihin na iyon nga ang ginagamit noong artista. Kagaya rin iyan ng underwear, makikita mo ang TV commercial ng mga artista, pero ang totoo, imported na underwear ang ginagamit nila. Bakit nga ba hindi kung may pambili naman sila?
Ganyan din naman iyong relihiyon. Walang kinalaman ang show business kung ano man ang pinaniniwalaan ng isang artista.
Basta gawin niya kung ano ang inaasahan sa kanya.