Hindi kami pabor doon sa nagsasabing mali raw iyong sinasabing ang pelikulang Angela Markado, na unang ginawa ng national artist na si Lino Brocka ay ini-remake ng isa pang national artist na si Carlo J. Caparas.
Ang sabi pa ng nag-comment, hindi naman daw opisyal na naigawad kay Direk Carlo ang title na national artist dahil pinigil iyon ng Supreme Court. Nagdemanda kasi ang ilang mga national artist noon at mga nag-aambisyon pang maging national artists matapos na iproklama ngang national artists ng dating presidente Gloria Macapagal Arroyo si Direk Carlo kasama ang tatlong iba pa kahit na hindi sila nominated ng CCP at NCCA.
Katulad din ng sinabi namin nang tanggihan ni P-Noy na ideklarang national artist si Nora Aunor, iyang title na iyan ay isang presidential prerogative. Kaya sinasabing ang ginagawa ng NCCA at ng CCP ay “nomination lamang”.
Hindi sila ang namimili. Hindi sila ang gumagawa ng desisyon.
Matapos silang gumawa ng nomination, ang pangulo ang may prerogative na magdeklara kung sino ang gusto niya.
Hindi masasabing hindi national artist si Carlo Caparas dahil may ginawang isang presidential proclamation na nagtatadhana noon.
Iyong paggagawad ng title sa kanya, kasama sina Pitoy Moreno, Cecille Guidote Alvarez at Francisco Manosa ay pinigil lamang ng Korte Suprema.
Ipinagpaliban indefinitely ang paggagawad sa kanila ng title pero hindi ibig sabihin ay inalisan sila ng title.
Hindi naman puwedeng i-veto ng Korte Suprema ang isang presidential proclamation. Hindi naman binawi iyon ni Gloria Macapagal Arroyo sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema.
Hindi rin naman pinawalang bisa iyon ni P-Noy, dahil kung gagawin niya iyon, kailangan ang isa pang presidential proclamation. Hindi naigawad kay Carlo ang karangalan, at hindi rin niya natatanggap sa ngayon ang pension mula sa gobyerno bilang isang national artist, yun lang ang wala para kilalanin siyang isang national artist.
Ganoon din naman ang kaso ni Nora Aunor, napili siya at nominated ng CCP at NCCA, pero hindi gumawa ng isang presidential proclamation si P-Noy na nagdedeklara sa kanya na isang national artist, kaya ano man ang sabihin nila, hindi siya national artist.
Ang ending mas may karapatan si Caparas na tawaging national artist.
Gabby hindi matalikuran ang kitang mas malaki pa sa legal na kita ng Presidente ng Pilipinas
Matagal ang naging kuwentuhan namin ni Gabby Concepcion sa presscon ng Because of You, at naikuwento niya sa amin ang naging problema ng kanyang comeback.
Nang magbalik siya, kinuha niyang manager ang dating producer na si Rose Flaminiano, na ayon sa kanya ay ipinakilala sa kanya nina Rudy Fernandez at Lorna Tolentino. Pero hindi sila nagkasundo kaya naghiwalay sila ng landas.
Kasunod noon, napunta naman siya sa Viva under ni Vic del Rosario. Hindi rin naman nangyari iyong inaasahan niyang galaw ng kanyang career kaya nang matapos ang kontrata, humanap siya ng ibang manager.
Ngayon ang manager naman niya ay si Popoy Caritativo. Mukhang happy naman siya dahil naikuha nga siya agad ng trabaho, at bida siya riyan sa Because of You.
Desidido si Gabby na gawing lifetime career ang pagiging isang actor, o kung hindi man kahit na anong magagawa niya sa showbusiness.
Matapos ang isang matinding controversy noon na nasabayan pa ng ilan niyang mga personal na problema, nagtangka siyang mamuhay ng pribado at talikuran na ang showbusiness, pero siguro nga masasabing nahirapan din siyang talikuran ang kanyang dating career.
After all mas malaki ang kita ng isang artista kahit pa sa presidente ng Pilipinas, maliban na nga lang kung may kahalong graft and corruption.