Ilang araw na iyong maraming nangungulit, pero ayaw sana naming mag-comment tungkol sa interview ni Alma Moreno sa programa ni Karen Davila.
Una, sinasabi nga naming si Alma ay dating artista, pero hindi na siya aktibo sa ngayon. Nanay na lang siya ng mga artista.
Ikalawa, hindi naman namin napanood talaga iyong interview dahil hindi naman kami nanonood sa ANC.
Ang dami ng balita sa GMA, sa Aksiyon TV at maging sa DZMM Teleradyo, para maghanap pa kami ng iba.
Pero may isang reader na nagpadala sa amin ng full video ng nasabing interview, at nagtatanong kung ano nga raw ang masasabi namin tungkol doon.
Iyong reader naman na iyon ay taga-showbusiness din at gusto lang daw niyang malaman ang aming comment. Naroroon pa iyong sinabi niyang, “it will help me make a decision”.
Sabihin na nating siguro nga, hindi handa si Alma Moreno sa ganoong klase ng interview.
Siguro nga hindi pa naabot ng kanyang pag-aaral ang mga naitanong na issues sa kanya. Sumagot siya sa abot lang ng makakaya niya.
Iyan namang si Alma Moreno, kahit na noong araw ay walang pretentions na matalino siya. Hindi niya sinasabi iyon.
Wala rin namang sinasabi si Alma tungkol sa moralidad. Nasabi lang niya na ang same sex marriage, sa pananaw niya ay kasalanan. Simple lang iyon eh. Kung kasalanan nga namang sinasabi ang pakikiapid sa kapwa lalaki o sa kapwa babae, kasalanan din ang pakasal sila.
Naniniwala siyang dapat na magkaroon ng population control, lalo na’t kung hindi naman makakayanan ng pamilya, iyong solusyong sinasabi niya ay iyong “natural solutions.” Umiwas sa pakikipagtalik, kaya nga sinasabi niyang “dapat laging bukas ang ilaw.”
Hindi kami sa kani-kanino. Sa mahigit na apat na dekada namin sa propesyong ito, ang natutuhan namin ay gumagawa ka ng isang interview para makuha ang impormasyon mula sa isang source. Hindi mo kailanman iniipit ang isang ini-interview. Hindi mo siya kailanman iniinsulto. Hindi mo siya dapat pinipilit pasagutin sa mga tanong na alam mong hindi niya alam at hindi niya kayang sagutin. After all, hindi mo rin naman masasabi na ang lahat ay kaya mong sagutin nang tama.
ASAP binawasan daw ng oras
Binawasan pala ng oras ang ASAP. Mas pinaikli ang show. Nilagyan nila ng isang bagong show ang oras na dating sakop pa noon.
Ayaw naming gumawa ng ano mang speculations pero isa lang ang ibig sabihin niyan.
Noong araw na tinanggal nila ang show ni Kuya Germs, sinasabi nilang kasi luma na iyon.
Ang hinahanap ng mga tao iyong bagong show, iyong concert format kagaya nga ng ASAP. Ginaya iyon ng GMA 7 kaya nga nila inalis ang show ni Kuya Germs.
Ngayon, exactly 19 years matapos nilang tigbakin ang Sunday show noon ni Kuya Germs, biglang naglabas ng isang comedy-variety-musical show ang TV5, iyong Happy Truck ng Bayan. Nakatawag ng pansin iyon.
Sumunod ang Channel 7, tinigbak na ang kanilang Sunday show na hindi makaangat noong araw at pinalitan ng vaudeville type. Aakalain mo bang sa ganoong format pala nila kakabugin ang ASAP?