Viral sa social media ang interview kay Alma Moreno ni Karen Davila sa Headstart program ng huli sa ANC News Channel. Siyempre, may kasamang panlalait ang comments ng ilang netizens sa sagot ni Ness.
Eh kilala naman sa news world ang pagiging Inglisera at prangka ni Karen sa pagtatanong. Alam din ng karamihan sa showbiz na hindi naman talaga bihasa sa English si Ness. So may tanong na hindi niya agad nasakyan.
Pero naging honest lang naman si Alma. Isang public official nga ang sumuporta sa kanya na tatakbong Senador sa 2016. Eh ang hindi alam ng marami, ilang taon nang naglilibot si Alma sa buong bansa dahil siya ang Presidente ng Councilors League of the Philippines. So kilala na siya at ang nabalitaan namin, maraming gobernador ang suportado ang kandidatura niya, huh!
Let’s face it. Nanalo si Senator Lito Lapid ng ilang beses bilang Senador. Nalait din siya komo nga high school lang ang natapos niya. Pero publiko na ang nagsalita. Ibinoto siya’t nanalo, natapos pa ang full term bilang Senador.
Kung maraming hindi nagkagusto kay Alma sa interview, marami rin ang hindi nagustuhan ang interview ni Karen. Imposible kasing wala siyang alam kay Alma, huh! She should have been more careful sa pagtatanong at hindi pinairal ang pagiging Inglisera niya para naman naging patas ang usapan nila ni Alma, huh!
#MichaelAngelo mag-kaka-season 3 na!
Winner ang dating ng TV host-inspirational speaker na si Michael Angelo dahil may third season na ang show niya sa GMA News TV na #MichaelAngelo. Eh ang ikinatutuwa pa niya, suportado pa rin siya ng may-ari ng Chooks To Go.
Ang bago sa show ni MA (tawag sa kanya), iniksian ito ng 30 minutes. Rason niya, “Malapit na ang holidays. So siyempre, ang focus ng tao ngayon, shopping, regalo, parties at iba pa. Mababawasan ang chance nilang mapanood ang show. Sa susunod na season, balik na kami sa isang oras!” pahayag ni MA sa press launch ng bagong season.
Higit ding fast-paced ang segments na mapapanood sa programa. Hands on kasi ang host sa content nito. Aliw kasi ang mga ito kaya naman nakaka-inspire na, eh nakaaaliw pa!
Ibinalita rin ni Michael Angelo ang pagkakaroon ng community empowerment na advocacy ng Chooks To Go, ang Mission I’m Possible. Isa itong series of entertaining and inspiration talks ni MA sa iba’t ibang komunidad.
Sa November 21 ang simula ng 3rd season ng #MichaelAngelo sa GMA News TV tuwing Sabado, 4:50 PM. Si Earl Ignacio ang director nito.
Bukod sa TV show, magiging bahagi rin siya ng benefit concert na For The Love Of Mama bilang suporta sa kaibigang si AiAi delas Alas.
Susunod na administrasyon inaabangan kung matutulungan ang movie industry
Traffic pa more ang epekto ng APEC meeting na nagsimula kahapon. Maluwag man sa EDSA, ang area ng Cavite at Roxas Blvd. naman ang super apektado.
Sa simula ng pagsasama-sama ng ilang world leaders, kung anu-ano na naman ang lumabas na notices, huh! Nariyan ‘yung mawawala raw ang signal ng mga cell phones at pinayuhan ang mga tao na manatili sa bahay.
Siyempre pa, may kinalaman ito sa Paris bombing kaya pinahigpit ang seguridad sa bansa.
‘Yun nga lang, kung layunin ng meeting na mapaunlad ang ekonomiya ng bawat bansa, dito sa atin ay mukhang wala nang solusyon upang mapaganda pa ang takbo ng movie industry, huh!
‘Di bale, ilang buwan na lang naman at magwawakas na ang administrasyon!