Palung-palo ang mga eksena ni Mother Lily sa kasal ng apo niyang si Keith Monteverde sa girlfriend niyang si Winni Wang sa Shangrila Boracay Resort & Spa last Saturday. Naiyak siya sa wedding vows ng mag-asawa at pagdating naman sa reception, masiglang-masigla siyang nagbigay ng speech at humihiling na ng apo sa tuhod agad-agad, huh!
Lalong natuwa ang guests kay Mother Lily nang magsayaw sila ng apo. Kung medyo slow ang music sa dance ni Keith sa inang si Roselle Monteverde, aba, ang music nina Mother at Keith ay ang Que Sera, Sera, huh!
Sa totoo lang, hindi masyadong mahaba ang wedding ceremony ng bagong kasal. Tapos na ‘yon ng thirty minutes.
Gayunpaman, maraming humanga sa lahat ng attend sa madamdamin na pag-deliver ng kanilang wedding vows. Punumpuno kasi ito ng sinseridad at damang-dama sa kanila ang pagmamahal!
Ang sumaksing ninong at ninang nina Keith at Winni ay sina Governor Vilma Santos-Recto, Tony Tuviera, Sen. Loren Legarda, directors Chito Roño at Joey Reyes, ang tiyuhin at tiyahin niyang sina Dondon at Meme Monteverde at ilang kaibigan nina Mother at Roselle.
Nagsilbing host naman ang athlete-actor na si Andrew Wolfe. Nagsalita ang mga taong malapit sa dalawa at nagpakita ng videos kung paano nagsimula ang pagmamahalan nila. Ipinakita sa video ang alaga nilang aso na itinuring nilang mga anak.
Sosyal na sit down dinner ang handa sa reception simula sa appetizer hanggang sa coffee or tea sa huli. Umapaw rin ng drinks matapos magsalo ng lahat at nagkaroon ng party hanggang madaling-araw!
Nakausap namin si Gov. Vi sa labas habang inihahain ang pagkain. Talagang niligawan siya nang husto ni Mother Lily na maging present sa kasal.
Bale nagkaroon na rin siya ng pahinga sa pagpunta niya sa Shangrila.
Tinanong na rin namin si Gov. kung ano na ang latest sa movie. May nachika kasing nagkaroon daw ito ng problema sa shooting subalit hindi siya ang dahilan. Next year na ito ipalalabas.
“Meron pa kaming natitirang seven days. I don’t know kung ano ang problema. Eh sa side ko, ipinaalam ko itong wedding. Basta sa month na ito, I gave five days to shoot. Wala namang problema kung sa January na ito i-showing,” saad ni Gov. Vi sa amin.
Magiging magaan man ang kampanya ng gobernador bilang kandidato sa pagka-kongresista sa Lipa City, mag-iikot pa rin siya sa syudad dahil ayaw niyang maging kampante.
Eh pagdating naman sa kandidatura ng asawang si Sen. Ralph Recto na re-electionist bilang senador, sasama rin siya sa pag-iikot sa probinsiya.
“Mga tatlong big rallies siguro ang pupuntahan ko like Cebu, Davao and Bacolod. Kahit may lumalabas na surveys na pasok siya sa Top 12, sinasabihan ko rin siya na huwag maging over-confident,” katwiran ni Governor Vilma.
May isa pang sidelight sa wedding. Nagkabati na sina Annette Gozon ng GMA at Annabelle Rama. Naispatan silang magkasama sa parlor ng hotel na nagchichikahan. Nu’ng cocktails bago ang dinner, silang dalawa ang magkasama.
Nakasabay namin si Tita A at Tito Eddie Gutierrez pabalik ng Maynila. After two years, sa kasal pa sila nagkita ni Annette. May kinalaman ‘yon sa paglayas ni Sarah Lahbati sa GMA na nauwi sa demandahan na naayos din.
“Hindi ko kasi masabi na buntis si Sarah. Inakala ni Annette na ako ang nagsulsol kay Sarah na idemanda ang GMA. Eh, si Richard naman, gusto na talagang pumunta sa Switzerland para samahan si Sarah.
“That time, patapos na ang kontrata niya sa GMA. Gustong i-extend ng network ang kontrata niya. Hindi pumayag si Chard hindi dahil ayaw niyang mag-renew. Gusto lang niyang samahan si Sarah,” paliwanag ni Tita Annabelle.
Teka, may lumabas na balitang si Chard ang magiging bagong Panday ngayon na ididirek ni Carlo J. Caparas, huh! Totoo ba ‘yon? “Tawagan kita pag nagkatotoo ‘yan!” bulalas sa amin ni Tita A.