Baka langawin daw Arnel naduduwag mag-solo concert sa bansa kahit dinudumog sa abroad ang Journey
Naduduwag pa si Arnel Pineda na gumawa ng malaking concert sa bansa. Kahit na nga siya ang lead singer ng international foreign group na The Journey na dinudumog ng mahigit 20,000 persons kapag sila ay nasa iba’t ibang bansa, feeling niya, wala pa siya sa kategorya ng malalaki nating concert artists gaya nina Martin Nievera, Gary Valenciano, Regine Velasquez-Alcasid, Lani Misalucha at iba pa.
Eh, sa concert na Voice of the Nightingale ni Lani sa At The Theatre sa Solaire Resorts and Casino sa December 4 and 5, special guest ang drama niya.
“Hindi naman kasi tayo…Pagdating sa Pilipinas, alam naman natin na sina Lani, si Regine, si Gary, si Martin…Tingnan natin kung suwertihin ang aking ginagawang album at merong lumusot na maging popular siya sa masa, siguro, mag-attempt ako ng malaking show.
“Pero for now, wala akong lakas ng loob kasi. Mahirap! Ha! Ha! Ha!” paliwanag ni Arnel sa presscon ng concert nila ni Lani sa The Theatre.
Iba naman daw ang drama niya tuwing concert ng The Journey. Established na raw sila at legendary band.
“Madaling-madaling mag-concert ng 20,000 capacity. At the moment, kung magsu-show ako sa 20,000 (na venue), baka 20,000 na langaw ang manood!” biro ng magaling na singer.
Nasa eight year na si Arnel bilang lead singer ng journey. Komo nga Pinoy siya’t established na ang pinalitan niyang vocalist na si Steve Perry, nakaranas din siya ng panlalait, panlilibak at iba pang diskriminasyon nu’ng panimula niya sa grupo.
“Hindi naman mawawala ‘yon. I believe na hindi lang Americans or hindi lang sa Amerika nagkakaroon ng discrimination. Dito rin sa atin sa Pilipinas, mga kapwa natin Pilipino, dini-discriminate rin tayo. Ha! Ha! Ha!
“Discrimination. It’s a disease. Hindi siya branded lang o nakatatak sa isang race. Talagang Intsik sa Intsik, Muslim sa Muslim or kahit ano. May discrimination,” saad niya.
Ini-ignore lang ni Arnel ang mga nagmamaliit sa kanya. Rason niya, “Makakasira lang ‘yon sa job ko. I don’t’ let it get to my head. Kasi nga, naka-focus ako sa performance ko. kasi nga, ang mga show na ginagawa namin, ang lalaki eh! Kakakabahan ako kung iintindihin ko ‘yang nasa akin harapan, hindi ko magagawa ‘yung job ko!”
Sabad naman ng katabi niyang si Lani, naikuwento raw ng road manager ni Arnel na naka-experience na ang talent niya na habang kumakanta bilang bokalista ng The Journey, may mga Puti sa harapan ng stage na nilalait siya.
“It’s okey. Mas focus ako sa marami na nagtsi-cheer sa ‘yo eh! Mas maraming naniniwala,” diin niya.
Pero ngayon daw ay wala nang masyadong nanlalait sa kanya.
“I can say, 1.5 per cent ‘yung ganoon ngayon. Kasi otherwise, hindi kami makakaranas ng 95% na sold out shows year after year after year! Doon mo mababasa na, ‘Uy, konti na ‘yung discrimination!’” saad pa ni Arnel.
Ayon naman kay Lani, nu’ng nagsama sila ni Arnel sa show sa Chicago, nakita niyang may fans ng Journey na sumusunod sa ating kababayan. “Mga Puti! Sinusundan siya talaga! Kahit sa California, sinusundan siya talaga!” sabi ni Lani.
Kung meron pang magdidi-discrimate kay Arnel sa shows niya sa abroad, cold shoulder pa rin siya, dedma dahil mas importante sa kanya ‘yung trabaho kesa ‘yung nanlilibak sa kanya.
“Sayang lang ang oras! Tanggal pera ka pa! Ha! Ha! Ha!” deklara ni Arnel.
Anyway, samantalahin ang pagsasama ng dalawa sa ating world class performers sa katauhan nina Lani at Arnel. Mula ito sa Starmedia Entertainment ni Ana Puno for the benefit of PMA Makatao Class of 1989 at St. Paul College Manila-Class of 77.
Ilan sa sponsors ng show ay ang Farlin Baby Products, Zim Cleanser, Delimondo, PCS, Pioneer Insurance, Pacer Travel Services, Alaks Milk Corporation, Clearascar, Creative Minds, FILWWW.
- Latest