MANILA, Philippines – Tuluyan nang tinanggal bilang official entry sa 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF) ang historical movie na Hermano Pule ayon sa lumabas na report. Magandang comeback pa naman sana ito para kay Aljur Abrenica dahil may sure market na yearly ang MMFF. Lalo na’t pumatok sa publiko ang palabas pa ring Heneral Luna na isang historical movie rin.
Eh, hindi yata talaga nasimulan ang shooting ng Hermano Pule. Ayaw diumanong maglabas ng datung ang producer dahil gagamitin na lang ang pera sa kandidatura niya sa isang probinsiya next year.
Mas mabigat na problema ‘yung hindi pa nakapag-shooting kumpara sa ibang entries na dagdag-bawas ang drama sa ilang members ng cast. So sa halip na mas malaking pera ang gastusin ng produ ng movie ni Aljur, binayaran na lang ang mas maliit na fine mula sa MMFF Executive Committee.
Ang masuwerteng kapalit ng Pule ay ang movie ni John Lloyd Cruz na Honor Thy Father mula sa direksyon ni Erik Matti.
Sa totoo lang, itong 2015 MMFF ang festival na nagkaroon ng problema sa casting ng ilang entries dahil sa takot sa pagpasok ng AlDub loveteam sa entry nina Vic Sotto at AiAi delas Alas, huh!
Presidentiable na si Boboy Syjuco hanga sa mga artistang pulitiko
Hanga si Tito Boboy Syjuco sa mga artistang tumatakbo sa pulitika. Gusto niyang palakpakan ang mga artistang nasa pulitika na gustong magsilbi sa bayan.
Payo niya lang sa taga-showbiz na tumatakbo, “Sige lang po. Ituloy ninyo ang inyong ginagawa. Lalo na’t galing ang serbisyo sa mga taong kasing-special ninyo!” dagdag pa ng tatakbong president sa 2016.
Biniro namin si Tito Boboy kung meron bang artista siyang nakarelasyon noong kabataan niya. Aminado naman siyang maraming magagandang artistang babae.
“Marami ring magagandang byuda! Ha! Ha! Ha! Pati mga lola. Maraming maganda ang mukha, katawan at pagkatao. Very interesting din sila dahil extrovert sila.
“Ganito na lang po. Allow me this indulgence na gamitin ang madalas na ginagamit sa showbiz. Na ‘pag may tinanong na taga-showbiz na hindi alam ang dapat na sagot at ayaw magsinungaling, pero concern naman po as aspect ng privacy, ang kasagutan ng taga-showbiz ay, ‘No comment!’ Ha! Ha! Ha!” tugon niya.
Panganganak ni Marian inaabangan na
Idinaos kahapon nina Dingdong Dantes at Marian Rivera ang kanilang 10th monthsary sa Manila Peninsula Hotel na ipinost ng actor sa kanyang Instagram account. Nagsalo sila sa isang ice cream na nilahukan ng bananas.
December 30 nang ikinasal sina Dong at Yan. Sa selebrasyon ng kanilang unang wedding anniversary, meron na silang Baby Letizia. This November, due date na ng panganay nila.
Kaya ang panganganak ni Yan Yan ang isa sa showbiz event na aabangan sa mga susunod na linggo!