Alden at Maine, may ka-double sa photoshoot

On sale na ang lifestyle magazine na cover sina Alden Richards at Maine Mendoza.

Sosyal na sosyal ang dalawa sa mga picture na nakita ko dahil mga mamahalin na damit at sapatos ang ipinasuot sa kanila. Ito ‘yung pictorial na ipina­suot kay Maine ang jacket na minsan nang ginamit ng stylist na si Liz Uy.

Bongga ang pictorial dahil hindi mahahalata na may double sina Maine at Alden. Nangyari ang photoshoot bago ang Tamang Panahon show ng Eat Bulaga sa Philippine  Arena noong Sabado.

Hindi pa puwedeng magsama sina Alden at Maine kaya gumawa ng paraan ang magazine staff. Nagtagumpay naman sila dahil lumabas na napakaganda ng pictorial nina Maine at Alden.

Ricky Lo pauwi na galing kay Madonna

Ngayon ang dating ni Papa Ricky Lo mula sa Los Angeles dahil nanood siya ng concert ni Madonna na magkakaroon ng show sa ating bansa sa February 2015.

Hindi ako sure kung nainterbyu ni Papa Ricky si Madonna pero isang bagay ang sigurado, napakalapit sa stage ng kanyang puwesto nang panoorin niya ang concert ng Queen of Pop.

Maraming Pinoy ang nanood ng LA concert ni Madonna. May-I-watch din si Krista Ranillo at ang mister nito na si Papa Nino Lim.

Ang sey ng mga Pinoy, amazing ang perfor­mance ni Madonna na sobrang taas ng energy level, itsurang late 50-plus na ang kanyang edad.

Pelikula ni Daboy, puwede pang mapanood

May chance pa ang mga gustong makapanood ng The Last Pinoy Action King, ang documentary movie tungkol sa buhay ni Rudy Fernandez.

Ipalalabas ngayong hapon, 1 p.m., sa Cinema 7 ng Robinson’s  Galleria ang The Last Pinoy Action King.

Hindi ko pa napapanood ang docu movie at wala akong balak na panoorin ito dahil malulungkot lang ako. Tama na ‘yung buhay na buhay si Daboy sa alaala ko.

Ang The Last Pinoy Action King ang opening movie sa Quezon City International Film Festival o QCinema na dinaluhan ni Lorna Tolentino at ng mga anak nila ni Daboy. Umapir din sa opening night sina Robin Padilla, Marian Rivera at Dingdong Dantes.

Isko hindi pineke na galing sa hirap

Hinangaan si Manila City Vice Mayor Isko Moreno sa kanyang short but sweet speech sa proklamasyon kahapon sa Club Filipino ng mga senatoriable na kakandidato sa ilalim ng Partido Galing at Puso nina Senator Grace Poe at Senator Chiz Escudero.

Na-feel ng mga tao ang sinseridad ni Papa Isko na hindi maipagkakaila na talagang nanggaling sa hirap at nakaahon dahil sa kanyang pagsisikap.

Marami ang nagsasabi na sure winner si Papa Isko sa halalan sa 2016.

Edu at Isko, pinakaguwapo sa mga kakandidatong senador

Kandidato rin ng Partido Galing at Puso si Edu Manzano na hindi na baguhan sa public service dahil nag­lingkod siya noon bilang Vice Mayor ng Makati City at Chairman ng Optical Media Board.

Sina Papa Edu at Papa Isko ang dala­wa sa mga guwapong kandidato ng Partido Galing at Puso. Ka-join nila sa partido sina Congressman Sherwin Gatchalian, Senator Tito Sotto at former Senator Miguel Zubiri na mga good looking din.

May idea na tayo sa magiging reaksyon ng madlang-bayan kapag nakita nila nang personal ang mga poging kandidato ng partido nina Mama Grace at Papa Chiz.

                                   

Show comments