MANILA, Philippines – Tiklop daw muna si Manay Lolit Solis sa pagbibigay ng ilang detalye sa kasal nina Vic Sotto at Pauleen Luna. Nasa-shock daw kasi si Bossing sa ibinalita ng manager ni Poleng sa radio lalo na nga’t unti-unting nasasapubliko ang detalye ng kanilang kasal.
Komo nga si Joey de Leon ang mas madalas makita ni Manay sa show nilang CelebriTV, si Joey ang ginawang tulay ni Vic upang patiklupin muna ang host ng GMA talk show.
Eh, hindi man magsabi si Pauleen ng detalye sa wedding, naku, may paraan din si Manay upang makakuha ng ilang impormasyon tungkol dito, huh!
Kapamilya stars nangunguna sa Push Awards
Pinakiusapan ang ilang writers na dumalo sa contract signing ng ABS-CBN at PLDT na opisyal na broadband partner ng network para sa digital media award na project ng push.com, ang PUSH Awards na gaganapin next month.
Nag-ugat sa social media ang bagong awards na ito mula sa YouTube, Facebook, Twitter, at Instagram. Walang duda kasing mulat na ang karamihan sa Pinoy ngayon sa social media pero ayon sa isang ABS-CBN executive na involved sa proyekto, hindi naman nito papatayin ang print media.
Eh, nang ilabas ang ilang nominees sa iba’t ibang categories, karamihan nito ay Kapamilya stars and loveteams gaya nina Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, James Reid, Nadine Lustre, Liza Soberano, Enrique Gil at iba pa. Kaso, hindi napigilan ang Tempo editor na si Nestor Cuartero na tanungin kung limitado ba sa ABS-CBN stars ang nominees sa Push Awards.
“Hindi. Maraming nominees sa ibang station gaya nina Manny Pacquiao and Marian Rivera who figured out. But I think I know what you’re leading too, hinahanap ninyo sina AlDub. Is that right? That’s what you’re leading too!
“Yes, they are in the running. Kaya lang po, we tried to withhold some information to keep it exciting! Kasi kapag ni-reveal namin lahat, parang the excitement kinda wings down. Kasi alam na ninyo lahat eh.
“So we intentionally withheld some of the information para meron tayong excitement na inaabangan,” katwiran ni Mr. Reynante ng PUSH.
Bukod sa loveteams at group categories, meron ding individual honors based sa polularidad sa Twitter at Facebook gaya ng PUSH Most Liked Male Celebrity, Most Liked Female Celebrity, Most Liked Group or Tandem, Most Liked Music Artist, and Most Liked Newcomer pati na PUSTweet Favorite Male Celebrity, Favorite Female Celebrity, Favorite Group or Tandem, Favorite Music Artist, at Favorite Newcomer.
Maging ang hit celebs sa Instagram at YouTube ay meron ding kategoryang mapapanalunan depende sa public votes at decision ng judges na kukunin sa mismong araw ng awards sa November.
Sa panig naman ng PLDT, mamimigay sila ng tickets sa awards night basta i-like or i-follow ang @PLDTHome sa Twitter, Facebook, at Instagram gamit ang hashtag na HOMEDSLxPUSHAWARDS.
Mark at Jolens tutok sa pag-aalaga kay Pele
Kapwa hands on ang mag-asawang Mark Escueta at Jolina Magdangal sa panganay nilang si Pele Iñigo pagdating sa pag-aalaga. Kaya naman pati produktong pambata na kumukuha sa anak para maging TV endorser ay talagang binubusisi nila bago tanggapin.
Eh, naging tagumpay naman ang executive ng Megasoft Hygienic Products na si Ma’am Aileen upang kumbinsihin ang mag-asawa na maging modelo ang pamilya nila sa produkto nitong Super Twins Premium Diaper na nagkaroon ng bonggang launching last Tuesday sa isang resto sa Tomas Morato.