Nakabalik na mula sa vacation nila from Spain ang mag-asawang Robin Padilla at Mariel Rodriguez-Padilla. Bago pa sila dumating ay may lumabas nang balita na babalik ng Pilipinas ang mag-asawa dahil sa nalalapit na 2016 elections. May susuportahan daw na kandidato si Robin. Open daw si Robin sa pagsuporta niya kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na sabi’y kakandidatong presidente ng Pilipinas.
Kaya natanong namin ang manager ni Robin if true na bumalik si Robin para sa coming election. Sagot ng manager niyang si Betchay Vidanes: “hindi po totoo iyon. Ngayong nakapahinga na silang mag-asawa, balik-trabaho na si Robin. Magsa-sign po kami ng two-year contract sa ABS-CBN.”
Snooky napansin nang maging masama
Thankful si Snooky Serna sa mga tagasubaybay ng primetime drama niyang My Faithful Husband dahil kahit ang sama-sama ng character niya bilang si Mercedes o Cedes, hindi naman sila nagagalit sa kanya. Kapag lumalabas siya para mag-mall or kumain, natutuwa siya kapag tinatawag siyang ‘Cedes.’ Gumaganap kasi siyang ina ni Emman (Dennis Trillo) sa story, na hindi matanggap dahil bunga siya ng pangri-rape sa kanya ni Arnaldo (Ricky Davao). Pero tinatanong din daw siya kung bakit siya pumayag na maging kontrabida. “Gusto ko lamang ipakita sa mga manonood ang versatility ko sa pag-arte,” sagot ni Snooky. “Minsan din, nag-aalaala ako na baka magalit sila sa akin, pero natuwa naman ako na naiintindihan nila na role lamang ang ginagampanan ko.”
Alden kinopya ang pagda-dubsmash ni Yaya Dub
Si Alden Richards naman ang dumayo sa lugar ng sugod-bahay at doon siya nag-celebrate ng kanilang 13 Weeksary ni Maine Mendoza aka Yaya Dub kahit wala ito. Bukod sa mga bouquet of flowers na dala niya para sa tatlong lola (wala si Tidora, Paolo Ballesteros), may dala rin siyang paboritong street foods ni Yaya na ginampanan ni Jose Manalo na may nakatakip na picture ni Yaya Dub sa mukha. Siyempre, tuwang-tuwa ang mga taong nanonood sa kalyeserye.
Pinaglaruan nina Jose at Wally Bayola at ng mga host sa studio si Alden at ipinagawa sa kanya ang ginagawang pagda-dubsmash ni Yaya Dub. Kuhang-kuha naman nito na kahit ano’ng gawin ay talagang guwapo pa rin.
Humiling ng bato-bato-pik si Lola Nidora at nanalo si Alden pero ang pangakong regalo ni lola ay bubuksan raw lamang kapag nakabalik na si Yaya Dub. Pero bago natapos ang kalyeserye tumawag si Yaya Dub at matagal silang nag-usap ni Alden pero hindi ipinarinig sa studio ang kanilang usapan. Kaya kunwari ay nagalit si Tito Sen.
Si Yaya Dub naman ang wala sa noontime show kahapon dahil may out-of-town shooting siya sa Talisay, Batangas ng festival movie nilang My Bebe Love with Vic Sotto and AiAi delas Alas.