MANILA, Philippines – Binibisto nang unti-unti ni Manay Lolit Solis ang ilang detalye sa kasal ang alagang si Pauleen Luna kay Vic Sotto kahit na nga wala pang final date ng wedding nila next year.
Sa pahayag ng isa sa hosts ng CelebriTV, isa si Joey de Leon sa magiging ninong nina Bossing at Poleng. Imbitado rin daw sina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros na may sorpresang gagawin sa isusuot sa kasal.
Bukod sa balita kina Vic at Pauleen, inanunsyo rin ni Manay ang pagtakbo ng alagang si Daisy Reyes sa Pasig City bilang Mayor.
Kasalukuyan siyang konsehal at natutuwa siya sa alaga dahil sa tagumpay niya sa larangan ngayon ng pulitika.
Melai ‘di natabunan ang galing ni Jennylyn!
Nagnakaw man ng ilang eksena si Melai Cantiveros sa pelikulang The Pre-Nup na nagkaroon ng premiere night last Tuesday sa SM Megamall Cinema 7, hindi sapat ‘yon upang matabunan niya ang galing ng bidang si Jennylyn Mercado.
Consistent kasi si Jen sa simula sa mga eksenang nakakatawa hanggang sa pagpapakilig sa eksena nila ni Sam Milby sa New York City.
Then, nang magkaroon na ng problema sa relasyon nila ng aktor pagbalik ng Manila, ramdam na ramdam naman ang emosyon niyang umiiyak at nagdadalamhati sa nangyari sa kanila.
Sa kabuuan, naitawid ng director na si Jun Lana ang layunin ng movie na maibahagi ang tungkol sa pre-nuptial agreement sa masayang paraan.
Magagaling din kasi sina Jaclyn Jose at Freddie Webb na lumabas na bilyonaryong magulang ni Sam.
Sinangkapan pa ito ng nakakatawang acting ng lumabas na kapatid na bading ni Sam na si Neil Coleta.
Sa parte naman ni Sam, lumutang din ang malaking improvement sa akting niya at ‘yung mga sundot niya ay bentang-benta sa mga nanood.
Sa mga mahihilig sa masaya panoorin at sa mga romantikong tao, sagot ang The PreNup sa hinahanap ninyong panoorin!
After ng The Pre-Nup, magbabalik naman ang screen loveteam nina Carla Abellana at Tom Rodriguez sa No Boyfriend Since Birth na si Joey Reyes ang director.
Vilma at Sharon nanguna... Comelec kinuyog ng mga artista
Kasama ni Senator Kiko Pangilinan ang buong pamilya sa pag-file ng certificate of candidacy kahapon sa Comelec, Manila bilang senador.
Sinuporthan siya ng asawang si Sharon Cuneta at mga anak na sina Frankie, Miel at bunsong si Miguel.
Kahapon din nag-file si Congressman Roman Romulo na senador ang puntirya sa 2016. Kasama niya ang asawang si Shalani Soledad at father na si dating DFA Secretary Alberto Romulo. Ayon sa report, nasa partido siya ng presidential bet na si Senator Grace Poe. Waiting na ang lahat sa araw ng filing ng COC ng senadora.
Nag-file na rin ng COC ni Senator Ralph Recto na sinamahan ni Governor Vilma Santos-Recto at anak na si Ryan Christian Recto.
Ang ilang pang prominenteng personalidad na naghahangad ng upuan sa Senado na nag-file ng COC kahapon ay sina Alma Moreno, Migz Zubiri, Mark Lapid, Risa Hontiveros at iba pa.