Natawa naman kami doon sa comment na “balimbing” daw ang Megastar na si Sharon Cuneta. Dahil iyan sa isang interview sa kanya sa TV kung saan sinabi niyang gusto niya si Vilma Santos, pero gusto na rin niya si Nora Aunor.
Simula noong araw, si Sharon ay isang self confessed Vilmanian. Pero lately nga dahil sa isang pangyayari kung saan siya ay na-snob ng isang award giving body, at sa kanyang pagtanggap naman ng award ay sinabi ni Nora Aunor na ibinabahagi niya ang karangalan sa iba pang mga artistang sa palagay niya ay deserving sa title pero hindi napili, kabilang na nga si Sharon, natural lang naman na ganoon ang maging reaksiyon ng megastar.
Una malaking bagay nga naman iyong sinabi ni Nora Aunor na may mga iba pang artistang deserving sa award na iyon. Hindi niya sinarili ang karangalan, sa halip binanggit pa niya kung sinu-sino ang inaakala niyang nararapat ding parangalan pero parang kinalimutan.
Siguro maski naman sino ang nasa lugar ni Sharon, ikatutuwa rin niya ang sinabing iyon ni Nora Aunor. Iyon naman ang sinabi niya, dahil doon kaya niya hinangaan iyon.
Ano ba naman ang masama kung humanga rin si Sharon kay Nora Aunor kung may nagawa naman iyon para sa kanya na kahanga-hanga?
Minsan may mga fans na makitid din ang utak. Hindi naman dapat na mag-away away ang mga artista, at hindi naman sila nag-aaway talaga. Iyong fans ang talagang nag-aaway. Ano ba ang dapat nilang pag-awayan? Hindi ba dapat natutuwa pa nga sila kung may isang artistang nagtatagumpay kasi na-justify ang kanilang pagiging fans. Hindi namin maintindihan iyong para mapalabas na sikat ang kanilang mga idolo, gusto nilang palabasing walang kuwenta ang kalaban. Hindi ba mas maganda nga kung lumabas na ok din ang kalaban nila, para kung manaig ang kanilang mga idols ang ibig sabihin noon ang hinahangaan nila ay mas mahusay pa?
Kita ng Aguinaldo walang binatbat sa Heneral Luna
Isang madaling araw, nang magising kami ay palabas sa telebisyon ang isang pelikula tungkol kay Emilio Aguinaldo. Natatandaan namin, ginastusan nang husto ang pelikulang iyan. Matindi pati ang promo ng pelikulang iyan. Pero hindi kumita. Sa natatandaan namin, pangalawa siya sa bottom holder sa festival noon. Ang pinaka-flop na pelikula noon ay ang na-pull out sa mga sinehan na Thy Womb.
Ganoon din nagsimula iyong Heneral Luna ngayon. Hindi rin kumikita at aalisin na nga sa mga sinehan nang magsimulang kumalat iyon at sinasabi ng mga nakapanood na totoo ang istorya ng pelikula kaya naging interesado ang mga tao. Mas maraming sikat na artista sa film bio ni Aguinaldo, kaysa sa film bio na iyon ni Luna, pero ang pelikula ni Luna ay sinasabi nilang kumita na nang halos P200 million, samantalang tinga lang noon ang kinita ng Aguinaldo movie.
Hindi kaya dahil sa subject mismo at sa nahalatang ginamit na “cinematic license” para mapaganda ang image ng taong inilalarawan nila sa kuwento? Mahirap iyang mga true to life story talaga dahil may nakakaalam ng mga tunay na kuwento, at kung hindi tapat ang pagkakalarawan ng mga pangyayari, siyempre ayaw nilang panoorin. Maski na maganda ang pagkakagawa ng pelikula. Maski na sabihin mong maraming sikat na artista. Kung hindi naman totoo ang kuwento, wala rin.
Eh mautak na ang mga Pinoy ngayon. Mahal din naman kasi ang bayad sa sine.