Parang nasa cloud nine si Dennis Trillo last Sunday, October 4 matapos ang napakamatagumpay na world premiere ng pelikulang Felix Manalo na ginanap sa Philippine Arena.
Hindi matapus-tapos ang pagbati sa kanya nang gabing iyon matapos mapanood ang kanyang napakahusay na performance sa pelikula bilang si Ka Felix Manalo, ang founder at first executive minister ng Iglesia ni Cristo (INC).
Nang makausap nga namin siya para hingan ng pahayag, para siya talagang nakalutang sa alapaap.
“Para kong nasa isang sayang sobrang panaginip lang,” he said.
“Napakaraming magagandang nangyayari na hindi normal na nangyayari, so feeling ko, nasa panaginip ako. Na nagkaisa ‘yung mga Kapatid, ‘yung mga Pilipino na magtipun-tipon dito hanggang ma-reach ‘yung goal, na sa awa ng Diyos, naka-break ng 2 records.
“And bukod do’n siyempre, napakaraming tao na napanood ‘yung pinaghirapan naming proyekto. ‘Yun pa lang, nakakatuwa na. Sinuportahan nila.”
Ang nasabing premiere night ay nagtala ng bagong record sa Guinness World Records. Ang mga ito ay Guinness World Record for Largest Attendance for a Film Screening at Guinness World Record for Largest Attendance for a Film Premiere.
Mismong ang mga Guinness World Records officials na sina Marco Frigatti at Victoria Tweedy na present sa nasabing premiere night ang nag-certify nito at nagkaloob ng certification sa Viva Films at sa Iglesia ni Cristo (INC).
For the record, ang official number ng mga taong dumalo sa nasabing world premiere ay 43, 624. Definitely, ito na ang pinakamatagumpay at pinakamalaking premiere night na nakita namin sa showbiz.
Masayang-masaya rin ang aktor sa naging reaksyon ng manonood nang gabing iyon na nagpapalakpakan sa tuwing may magandang siyang eksena. Sobrang well-applauded din ang mga scenes nila ni Bela Padilla na gumanap naman bilang Ka Honorata na asawa ni Ka Felix. Super-kilig ang audience sa kanila na kahit sa simpleng titigan lang nila ay nagsisigawan.
“Nakakatuwa!” sambit ni Dennis. “Siyempre, noong umpisa, kinakabahan (ako), hindi ko alam kung ano ‘yung magiging reaksyon ng mga makakapanood, lalo na ng mga kapatid sa Iglesia. Pero nun’g unti-unti, nakikita ko, nagre-react sila sa mga eksena, sabi ko, “uy, natutuwa sila”.
‘Yung pagkakilig ng mga tao sa mga scenes nila ni Bela, how does he feel?
“Oo nga, eh, hindi ko nga akalain na ganu’n. Kasi, nun’g umpisa, (sabi ko) “parang wala silang reaksyon, ah, ano kayang iniisip nila?” Pero unti-unti, parang hindi na sila conscious sa mga magiging reaksyon nila sa bawat eksena, nakakatuwa.”
Maraming beses daw siyang napaiyak at kinilabutan habang nanonood lalo na nga ang death scene ni Ka Felix Manalo.
Alam din niyang napakahalaga sa ating history ng life story ni Ka Felix at ang history ng INC kaya sobrang proud daw siya at ang iba pang cast members sa pagkakapili sa kanila to be part of the movie.
“Sobrang laking honor ito at karangalan sa akin. Tulad ng sabi ko kanina, ano ito, eh, pangarap ito ng bawat artista, magkaroon ng ganito kalaking project. Wow, parang swerte ko na nakasama ako rito, he said.
Puring-puri rin ng manonood ang acting ni Dennis at ang comment nga ng marami, talagang mula umpisa hanggang sa huli ay hindi siya bumitaw sa karakter niya bilang si Ka Felix.
Ayon sa aktor, hindi naman daw niya ito magagawa ng mag-isa at sobrang pasasalamat din niya sa lahat ng bumubuo sa produksyon mula sa direktor na si Joel Lamangan hanggang sa staff, crew at make-up artist.
Natanong din namin si Dennis kung bakit hindi niya isinama ang rumored girlfriend niyang si Jennylyn Mercado sa historical event na ito at say niya, “noong una, ayoko siyang mahirapan dahil alam ko, napakaraming tao ngayon at baka hindi siya maging kumportable.”
Ang Felix Manalo ay palabas na sa October 7 in 300 theaters. Aside from Dennis and Bela, kasama rin sa pelikula sina Jaclyn Jose, Gabby Concepcion, Gladys Reyes, Snooky Serna at 100 pang celebrities.
Gabriela OA sa bintang na bugaw si Vice
Marami ang nagsasabi na grabe naman ang akusasyon ng Gabriela na ibinubugaw daw ng It’s Showtime si Angelica Yap aka Pastillas Girl.
Napapanood naman namin ang Nasaan Ka Mr. Pastillas segment ng It’s Showtime at OA namang akusahang pambubugaw iyon dahil kung tutuusin ay parang isang simpleng dating game lang ito para sa amin dahil pinapipili lang naman si Pastillas girl sa three guys kung sino ang karapat-dapat sa puso niya.
Sa totoo lang, ang daming mabibigat na issue at pang-aabuso sa kababaihan na mas dapat pagtuunan ng pansin ng Gabriela. Ang daming issue ng kababaihan na mas nangangailangan ng kanilang atensyon kaya nakapagtatakang ang segment na ito ng It’s Showtime ang kanilang pinatulan gayung wala namang pang-aabusong nagaganap kay Pastillas girl.
Ang puna tuloy ngayon ng ilan, umeeksena lang at nagpapansin ang Gabriela dahil malapit na ang eleksyon.