Nagsimula na palang mag-shooting ng kanyang magiging unang pelikula na isasali rin sa film festival si Yaya Dub. Hindi kami magtataka kung dalhin nila hanggang sa pelikula ang character niyang nagpasikat sa kanya na isang dubsmasher. After all, doon nga siya nakilala at sumikat nang husto. May advantage rin ‘yan, kasi kung sakali’t dumating ang panahon na maisipan niyang maging isang seryosong artista na, sikat na siya at bago pa ang mailalabas niya. Hindi pa kasi niya nailalabas ang tunay niyang personality.
Ok lang siguro iyan sa isang pelikula, pero kailangan niyang paghandaan kung ano na ang kasunod. Hindi naman puwedeng dubsmash na lang habang panahon. Pero sa palagay namin maganda ang chances dahil mukhang tanggap naman ng publiko si Yaya Dub bilang siya.
Hindi mo masasabing si Yaya Dub ang talagang lalaban ng pagandahan, pero mayroon siyang charm eh. Kung titingnan ninyo ang hitsura ng mga sumikat na mga artista at naging movie queens, hindi sila gaanong kagandahan. Tama lang ang dating nila, at ang mga sobrang ganda, iyon nga ang mga hindi sumikat. Kasi sinasabi nga ng mga kritiko, kung ang kagandahan ay “too good to be true” hindi rin naman matanggap iyon ng publiko dahil hindi sila maka-identify.
Sinasabi nila noong araw, karaniwan lang ang ganda ni Susan Roces, malaki pa ang binti, pero naging movie queen siya. Sinasabi nila na kulang sa height si Vilma Santos, pero sino ba ang sumikat noong panahon niya at nanatiling sikat hanggang ngayon? Sinasabi nilang mataba si Sharon Cuneta, pero ano nga ba ang naabot ng popularidad ng Megastar? Huwag na nating banggitin kung ano ang sinasabi nila tungkol sa iba pang sumikat, baka kung ano na naman ang lumabas. Pero ang sinasabi lang namin, maganda ang chances niyang si Maine kahit na tigilan pa niya ang pagda-dubsmash dahil mayroon siyang charm na siyang gusto ng publiko.
Sheryl biglang nag-iba ang tono kay Sen. Grace
Nanindigan si Sheryl Cruz, hindi niya babawiin ang kanyang sinabi at paniniwala na hindi handa ang kanyang pinsang si Senador Grace Poe sa pagka-presidente. Iyon ay opinion lang naman ni Sheryl, hindi naman ibig sabihin noon ay iyon na talaga. Isa pa, nasa publiko naman ang desisyon. Hindi naman basta sinabi ni Sheryl ay iyon na ang “gospel truth”. Maski siya naman ay nagsasabing iyon ay opinion lamang niyang personal.
Lumalabas ngayon ang totoo kung bakit siya nakapagbitiw ng ganoong statement. Naroroon pala ang takot dahil “ayokong mangyari sa kanya iyong nangyari kay Uncle Ronnie (palayaw ni Fernando Poe, Jr.)”. Ibig sabihin, iyon palang kanyang sinabi ay out of concern para sa kanyang pinsan. Alam niya kung ano ang nangyari kay FPJ. Dahil baguhan at walang masyadong karanasan sa pulitika, nadaya lang. Isipin ninyo, iyong popularidad noon ni FPJ, tapos maniniwala ka bang may mga probinsiya na zero ang kanyang boto?
Kung napaghandaan nang husto ang kandidatura noon ni FPJ, uubra ba noong madaya siya nang ganoon na lamang? Uubra ba ang harap-harapan ka nang dinadaya ang isinasagot pa sa mga protesta mo ay “noted”? Doon sa mga pangyayaring iyon, makikita mong hindi nila napaghandaan ang inihandang malawak na pandaraya laban sa kanila.
Iyon ang lumalabas na concern pala ni Sheryl nang sabihin niyang hindi pa handa ang kanyang pinsan.