Sa school curriculum sa ilalim ng bagong K-12 system, inaalis na nila ang pagtuturo ng Philippine History sa high school. Pinalitan nila iyon ng Asian History. Pero dahil sa pelikulang Heneral Luna, nakita natin ang pangangailangan sa mas pagtuturo ng Philippine History. Isipin ninyo iyong maraming nagtataka kung bakit laging nakaupo si Apolinario Mabini sa pelikula?
Hindi mo masasabing dapat mapahiya iyong mga nagtatanong eh, kung hindi ba nila talaga alam na lumpo si Mabini. Ang nakakahiya riyan iyong mga nagtuturo, ang DepEd, dahil ano ba ang nangyari sa kanilang pagtuturo, ni hindi alam ng karamihan na si Mabini ay lumpo? Noong panahon namin elementary pa lang kami alam na namin iyan. Noon kasi mas masigasig ang pagtuturo. Ngayon kung hindi pa dahil sa isang pelikula, hindi man lang kilala ng iba ang mga personalidad sa kanilang history.
Kaya nga nakakatuwa rin, dahil naiisip mo ang kahalagahan ng pelikula sa edukasyon, at sa pagbubukas ng mata ng mga tao na may maling nangyayari, kagaya nga niyang pag-aalis nila ng pagtuturo ng Philippine history.
Mayroon bang mga opisyal na may madilim na nakaraan ang mga ninuno sa ating history kaya hindi sila interesadong maituro iyon nang tama sa mga iskuwelahan?
CBCP Archbishop Soc Villegas nagpapa-bebe na rin
Nagulat din kami nang makita namin sa telebisyon ang pictures ng pangulo ng CBCP, si Lingayen-Dagupan Archbishop Soc Villegas, at maging si Manila Archbishop Luis Antonio Tagle na nagpa-pabebe wave. Pero ang tingin namin, baka naman ganoon lang ang tingin nila sa ginawa ni Cardinal Tagle, baka naman in form of blessing ang kanyang kamay. Pero iyong picture ni Archbishop Soc, obvious na pabebe talaga.
Iyang mga obispo ay mga tao rin naman, at siguro natutuwa rin silang panoorin ang AlDub. Walang duda na maraming mga pari at obispo nga ang nagkakagusto sa kalyeserye dahil sa positive moral values na itinuturo ni Lola Nidora. Maging ang aksidenteng holding hands ay ayaw ni Lola, samantalang sa iba ay mas matindi pa ang nangyayari. Aba’y isipin ninyo, sa isang game show may lalaking nanghalik pa sa kanyang kapwa lalaki.
Makikita mo rin kung gaano ka-sport ang TV5, iyong kanilang artist na si Ogie Alcasid ay may kanta pa para sa AlDub, at doon sa kanilang basketball coverage ay ilang ulit na naming nakita ang sinasabi ng isang coach na tagubilin sa mga players na kung titingnan mo ang mga unang letra ng instructions ay lalabas na “pabebe”.
Makikita mo rin kung gaano kaliberal ang isipan ni Martin Nievera, na bagama’t siya ay nasa isang kalabang network ay nagsabing hindi niya ito iba-bash dahil natutuwa siya sa AlDub. Ganyan sana dapat ang attitude ng ibang stars.
Dapat nga silang matuwa nang may artistang sumikat na naman sa ngayon, at kung ang gagawin nga nila ay makikipagsabayan sa halip na kalabanin pa, baka pati sila ay matangay sa popularidad ng mga iyon.