Vice Ganda nasa panic stage na, nagkakasakit na raw sa kakaisip ng bagong gimik
Isang insider ang nagkuwento sa amin, apektado naman daw talaga ang It’s Showtime doon sa pagtatambak sa kanila ng Eat Bulaga, at matapos ang labanan noong nakaraang Sabado, dumayo pa sila sa Araneta at ginastusan ng kung ilang milyong piso ang produksiyon ng kanilang “anniversary”.
Iyong Eat Bulaga ay hindi nagkaroon ng malaking guest, at ni hindi nagdagdag kahit na isa pang artista dahil pati iyong role ng mayordoma sa kanilang kalyeserye ay ginampanan pa rin ni Wally Bayola.
Sabi pa ng insider, “pati nga mga writer ng PBB (Pinoy Big Brother) inilagay na nila sa Showtime ngayon para mag-isip ng panibagong gimmick para labanan ang AlDub. Na-realize na rin nilang hindi umubra si Pastillas. Maling gimmick iyon. At ang latest, lalabas na rin sila ng studio ngayon kagaya ng ginagawa ng Eat Bulaga. Talagang pupunta na rin sila sa kalye.
“Ang talagang nape-pressure na si Vice Ganda na nagkakasakit na at naapektuhan sa nangyayari. Talagang panic stage na siya,” sabi ng insider.
Hindi namin sinasabing totoo iyan ha. Ang sinasabi lang namin ngayon iyan ang sinabi sa amin ng isang insider. Ang point lang doon, bakit naman magkukuwento ng ganyan ang isang insider eh taga-roon nga rin siya maliban na lang kung talagang totoo iyan.
Pagiging reyna ng mga Muslim ni Gov. Vi, kinukuwestiyon
Sinasabi na nga ba namin eh, matapos na maglabasan ang mga balita na si Governor Vilma Santos ay pinarangalan ng muslim community sa Batangas at idineklara siyang reyna nila, marami na naman ang nagsasabing ano raw ba ang silbi noon eh hindi naman isang Muslim community ang Batangas.
Isa pa, kilala ang Batangas dahil sa malakas na tradisyong Kristiyano. Ayon sa history, sabi pa nila, diyan sa Batangas na-establish ang isa sa mga kauna-unahang misyong Kristiyano kaya nga diyan nailagay ang Archdiocese of Lipa, na nakasasakop sa ilang diocese ng mga kalapit na probinsiya.
Pero doon sila mali, dahil kung babalikan natin ang kasaysayan, may isang muslim community sa Batangas noong unang panahon. Iyang lugar na iyan ay tinatawag nilang Bonbon. May isang sultanate talaga sa lugar na iyan. Isa pang katunayan, kaya nga may bayan sa Batangas na kung tawagin ay Tanauan, dahil sinasabing noong unang panahon, sa mga dalampasigan noon tinatanaw ng mga mandirigmang Muslim ang pagpasok ng mga kalaban nila sa gawi ng dagat. Kaya kung babalikan talaga ang history, muslim territory din iyan noong araw. Ang lugar ay tinawag naman ng mga unang Kastilang misyonero na Balayan, at nang malaunan ay Batangan na tawag din sa isang uri ng balsa na ginagamit ng mga mangingisda sa Taal lake. Ayan ha, binigyan na namin kayo ng kapirasong history.
Kaya nga may basehan kung ideklara man ng Muslim community si Ate Vi bilang isang reyna.
Anyway, ano nga ba ang pagtatalunan natin? Iyan ay isang ceremonial title lang naman, dahil maliwanag sa ating konstitusyon na walang royalty sa Pilipinas. Ibig sabihin walang puwedeng hari o reyna. Ang kapangyarihan ay nasa isang gobyernong demokratiko. Ngayon kung gustong kilalanin ng mga muslim si Ate Vi bilang reyna ng kanilang community lang naman, at iyan ay bilang pagtanaw naman ng utang na loob at pagkilala sa kanyang mga nagawa para sa kanila, ano naman ang masama roon?
- Latest