MANILA, Philippines - Inamin ng isa sa cast ng Felix Manalo movie under Viva Films na si Gladys Reyes bilang Avelina (anak ni Ka Felix) sa sosyal na grand presscon ng nasabing pelikula sa Manila Hotel na sobrang na-touch siya at laking pasasalamat niya kay Dennis Trillo sa pagganap nito bilang Ka Felix. “Nung nagsu-shooting kami, hindi man ganun karami ang eksena namin na magkasama pero sa bawat eksenang ‘yun, eto talaga ay walang halong exaggeration, nung una ko siyang makitang tumayo sa tribuna, talagang na-teary eyed ako naiyak ako. Kasi nung nagsalita siya, nung nagbasbas siya,” kuwento ng aktres dahil ramdam na ramdam daw ni Gladys na si Ka Felix talaga ang nagsasalita at nagbabasbas sa kanila.
Samantala, may kakatwang experience pala si Gladys kay Direk Joel Lamangan noong ikalawang shooting day nila ng pelikula. Kilala kasing istrikto sa oras si direk Joel at ayaw niyang may nali-late at nadi-delay ang kanilang shooting.
Ani Gladys, madugo raw ang second shooting day nila kaya naman nagpaalam na siya sa talent coordinator a week before na mali-late siya dahil sasamba sila ng kanyang mister na si Christopher Roxas. Eh nagkaproblema pala at hindi nai-relay ang message kay direk Joel. Kaya naman habang nasa dressing room daw si Gladys ay biglang nagpatawag ng meeting si Direk Joel. May kutob ang aktres na dahil sa pagiging late niya ang pag-uusapan. Natatawang kwento nito, kesehodang isang kilay pa lang daw ang nailalagay sa kanya ay kumaripas na siya ng takbo dahil sa takot sa direktor.
“Hindi ko nagugustuhan na tayo ay tinanghali na ngayon. Gladys why are you late?!” parang eksena raw sa classroom ang pagtataray ni direk Joel, ani Gladys. Mabuti na lang daw at nag-review siya ng kanyang sasabihin, “Kasi po sumamba pa po ako, at alam n’yo naman po one week ago ay ipinagpaalam ko na po sa coordinator. Ewan ko lang po kung bakit hindi sa inyo nai-relay,” matatas na sagot daw niya.
Bigla-bigla na lang daw ay parang nag-transform si direk at kumalma na nang marinig ang explanation niya, natatawang pahayag ng aktres. Valid naman daw kasi ang reason niya kung bakit siya tinanghali ng dating.
Anyway, next Sunday (October 4) na ang world premiere ng Felix Manalo na siguradong dudumugin ng tao hindi lang ng mga miyembro ng INC kundi ng mga gustong makapanood nito sa Philippine Arena sa Bulacan. Mapapanood naman ito sa mga sinehan sa buong bansa sa October 7.