Yaya Dub hindi kilala sa tunay na pangalan!

Iyong opinion na si Maine Mendoza ay sikat na bago pa man siya nakuha ng Eat Bulaga dahil sa kanyang ginagawang mga dubmash sa social media ay tama, pero hindi natin maikakaila na naabot lang niya ang status ng kanyang popularidad sa ngayon dahil na rin sa Eat Bulaga. Nagkaroon kasi siya nang mas malawak na audience nang mapunta siya sa mainstream television, samantalang limitado lang naman ang audience niya noon sa social media.

Sabihin nating magaling lang silang umispot talaga sa talents sa social media. In fact mas nauna kay Maine, o Yaya Dub, ginamit din nila ang social media para ma-recruit ang mga sikat na mga lalaki na isinali naman niya sa isa pang dubmash portion nila, iyong That’s My Bae. Iyong mga isinali nila roon ay mga kilalang social media bloggers at sikat sila dahil sa kanilang hitsura siguro, at dahil na rin doon sa Twerk It Like Miley dance na ginagawa nila.

Nauna pa riyan, may kinuha pa ang Eat Bulaga na mga professional models pa at ginawang alalay ni Wally Bayola, bilang si doktora the explorer, pero hindi napansin ng publiko ang mga iyon. Mga modelo rin ang naging alalay ni Paolo Balleteros na mga Bernardo, hindi rin napansin. Ang football player at model na si Mark McMahon pa ang lumabas na Doktor Taning sa kalyeserye nila, hindi rin napansin ng publiko.

Kaya siguro nga masasabi nating pansinin ng publiko at talagang may appeal sa masa si Yaya Dub. Wala naman kasing may monopolyo sa pagpapasikat, at wala makapagsasabing kaya nilang magpasikat ng isang artista talaga. Ang publiko pa rin ang nagdidikta niyan, at ang suwerte nila siyempre.

Pero hindi naman kami pabor doon sa parang walang nagawa ang Eat Bulaga para kay Maine Mendoza. Kung hindi siya nakuha sa show na iyan, malamang na si Maine pa rin siya na nananatiling nagpapatawa at gumagawa ng dubmash sa social media. In fact, aminin natin na mas sikat ang pangalang Yaya Dub kaysa sa pangalang Maine Mendoza.

Kung talaga bang isang “superstar” na nga si Maine in her own right, bago pa man siya nakuha ng Eat Bulaga o kung ano man, para tayong nagtatanong din kung ano ang nauna sa itlog at manok.

Best actress award ni LJ, wala na raw silbi?!

Mukha ngang wala nang pumapansin sa mga awards sa ngayon. Iyong isang award giving body na nagbigay ng award wala ring masyadong balita. Si LJ Reyes, nanalo ng best actress sa isang film festival sa abroad, pero maliban sa ilang maliit na balita tungkol doon ay hindi na napansin.

Iyong pelikulang ipinanalo ni LJ, mukhang hindi pa nailalabas sa mga sinehan, at siguro kahit na ang pagkakapili sa kanya bilang best actress sa abroad ay hindi makakatulong para ang pelikulang iyon ay maging commercially viable.

Noong araw, basta ang isang artista ay nanalo ng award, ang kasunod na mangyayari ay sunud-sunod ang kanyang nakukuhang assignments, kasi nga kinikilala na siyang magaling. Pero ngayon ilang awards man ang makuha mo, bale wala dahil hindi na rin pansin ng mga tao ang awards. Hindi na nila pinanonood kahit na nanalo ng awards ang isang pelikula.

Hindi ba may isang pelikula ngang sinasabing nakasali pa sa Cannes pero tuma­gal lamang ng kalahating araw sa sinehan, “cancelled playdate” na agad dahil walang nanonood?

Masakit isipin pero mukhang wala na ngang silbi iyang mga award.

Show comments