MANILA, Philippines - Sa ikatlong linggo ng Marimar ay ipapasyal ni Sergio (Tom Rodriguez) si Marimar (Megan Young) papunta sa Isla Santibañez. Pero biglang huminto ang speedboat sa kalagitnaan ng dagat. Naubusan ng gasolina ang speedboat at na-trap sila.
Habang nasa gitna ng dagat, hindi makatawag sa cellphone si Sergio dahil walang signal.
Nang magutom si Sergio, nag-dive sa ilalim ng dagat si Marimar para makahanap ng makakain. Sea urchin ang nakuha ni Marimar para kanilang pagsaluhan.
Aabutin sina Sergio at Marimar ng dapit hapon at panonoorin na lang nila ang sunset. Gabi na nang mailigtas sila.
Kinabukasan ay malalaman nina Marimar na lumala ang kalagayan ni Pancho (Tommy Abuel) dahil sa blood infection. Inilipat ito sa ICU at kailangan daw putulin ang paa.
Dadalawin din ni Franco (Frank Magalona) si Sergio, injured, telling Sergio na binubugbog siya dahil sa utang nilang dalawa. Lalong nagipit si Segio na gumawa ng paraan para makakuha ng pera particularly ang kanyang mana. Kaya hahanap si Sergio ng Mapapangasawa.
Ipahuhuli ni Angelika (Jaclyn Jose) si Marimar kay Nicandro (Dion Ignacio). Pero matatakasan ni Marimar si Nicandro. Dahil wala nang malapitan para makakuha ng pera pampa-opera kay Pancho, magbabakasakali na lang ulit si Marimar na manisid ng perlas kahit may paparating na bagyo. Pero dahil sa lakas ng alon, tumaob ang bangka niya. Tumama ang ulo ni Marimar sa bangka. Mawawalan siya ng malay at pumailalim sa tubig.
Nailigtas ni Sergio si Marimar. Sakay sa kabayo, ipapakita ni Sergio kay Marimar ang mga lupain nila. Gusto raw niyang tulungan si Marimar.
Aalukin ni Sergio ng kasal si Marimar.