Dahil sa mga batang dinudukot umano, Vilma hindi na naman nakakapag-shooting!

“Huwag po kayong mag-panic. Hintayin natin ang kalalabasan ng imbestigasyon. Ma­ging ang regio­nal director natin ng PNP naririto na, kausap na­min. Hindi rin naman lahat ng nawawala, nadukot. Iyong tatlong bata na sinasabing nawawala nakauwi na, may pinuntahan lang daw. Iyong isa namang hindi lang nakapasok sa iskuwela at nabalitang dinukot, nasa bahay lang pala. May nawawala pa sa Bauan, pero inaasikaso po namin iyan,” ang pahayag ng halata mong nag-aalala ring si Governor Vilma Santos. Hinaharap niya ang problema, kaya delayed na naman ang trabaho sa kanyang tinatapos na pelikula.

Noong isang gabi, nakita namin ang interview sa kanya ni Jiggy Manicad. Kinabukasan, umagang-umaga, kagigising lang namin, kausap naman siya nina Julius Babao at Niña Corpuz. Sabado iyon, pero nasa kapitolyo pa rin si Ate Vi. Patuloy ang kanyang monitoring ng sitwasyon.

Matagal na rin namang balita iyan eh, hindi lang sa Batangas.

May mga van daw na dinudukot ang mga bata, kinukuha ang internal organs. Tapos may tsismis pa na nakukuha ang bangkay, may kasamang perang pampalibing at parang kabayaran sa buhay noong mga batang dinukot.

Madalas kaming makabasa ng ganyan sa social media, pero wala kaming naririnig na isang pormal na reklamo, o isang kumpirmadong kuwento ng mga bagay na iyan. Mayroon pang inilalabas na plate number ng mga sasakyang dumudukot daw ng mga bata. Ganyan din naman ang nangyayari sa Batangas. Pero si Ate Vi kasi, nanay din, kaya hindi niya mapabayaan iyang mga ganyang bagay. Pero may mga nadukot nga bang bata?

Iyang mga ganyang sitwasyon ang siyang dahilan kung bakit minsan, gusto mang gumawa ng pelikula ni Ate Vi, hindi niya talaga magawa. Kasi nga hindi siya nakakasiguro ng oras niya. Minsan alam naman niya walang schedule, pero may mangyaya­ring hindi inaasahan, at bilang gobernador hindi mo puwedeng basta iwanan iyon.

Kasi iyang pagiging gobernador naman full time job. Hindi mo masasa­bing governor ka lang Monday to Friday, at kung Sabado’t Linggo ay artista ka na lang. Kahit na Pasko pa siya, basta kailangan ka, kailangan mong magtrabaho.

Iyan din ang sinasabi ni Ate Vi na dahilan kung bakit hindi pa siya handa sa mas mataas na posisyon. Doon nga sa interview niya kina Julius Babao ang sinabi na niya ay “I’m not interested. Thank you na lang”.

Starstruck kinalimutan na rin si Aljur

May nagtatanong, bakit daw kaya hindi kasama si Aljur Abrenica doon sa Starstruck VI. Simple lang ang sagot doon, network’s prerogative. Ipagpa­lagay man nating under contract nga ang isang artista, karapatan pa rin ng network o ng producers na piliin kung sino ang inaakala nilang mas makabubuti sa gagawin niyang produksiyon. Mara­ming bagay na kailangang i-consider sa casting, at kung sa tingin ng mga producer  may mas nababagay sa isang show, karapatan nila iyon.

Mayroon namang mga proyektong iba si Aljur.

In fact, masasabi ngang favorite siya ng network dahil siya ang laging maraming assignments noon, hanggang sa magwala pa siya at idinemanda ang network dahil sinasabi niyang ayaw niya ng ipinagagawa sa kanya. Kaya natural lang din naman sa network na mag-ingat na ngayon sa mga ipagagawang proyekto sa kanya.

Mabuti nga iyong kapatid niya ay maagang natauhan. Hindi ba umaangal na rin iyon sa TV5. At least nakita niya ang epekto ng mga sobrang angal, kaya siguro nagpigil na rin siya.

Pero ano man ang sabihin ninyo, kanya-kanyang opinion iyan at mananaig iyong opinion ng network o ng producers.

Show comments