Siguro ngayon nga lang tayo nakarinig ng ganito, pero ang numero ng posts na nagagawa sa social media gamit ang isang hash tag ay sukatang hindi mo madadaya. Ang daya lang niyan ay may mga taong maaaring mag-post kahit na isandaang post gamit ang parehong hash tag kaya hindi mo masasabi na ang laban diyan ay one is to one. Hindi rin iyan eksaktong sukatan, dahil may mga kaunti lang ang post, mayroon namang marami.
Pero ganoon pa man, kung ang isang hash tag ay naulit ng tatlong milyong ulit sa loob lamang ng isang araw, matindi talaga iyon. Hindi man sabihing ganoon talaga ang bilang nila, kung kaunti sila ay masasabi namang mas die-hard sila kaya umabot sa ganoong bilang ang posts. Naabot iyan ng AlDub nina Alden Richards at Maine Mendoza aka Yaya Dub noong isang araw.
Iyan ang goal ng fans ni Daniel Padilla noong ipalabas ang kissing scene nila ni Kathryn Bernardo sa kanilang seryeng Pangako sa ‘Yo, pero hindi nila naabot.
Ganoon pa man, hindi masasabing lamang na ang popularidad ng AlDub kaysa kay Daniel. Kailangang mai-translate muna ng AlDub ang kanilang popularidad sa mas matinding paraan. Magagawa lamang nila iyan sa kanilang gagawing pelikula sa festival. Iyon ba ay magiging isang malaking hit? Kung ang kikitain ng pelikula ay pareho rin ng kita ng mga pelikula ni Vic Sotto o AiAi delas Alas, sa kanila pa rin ang kredito at hindi sa AlDub. Kung ang kikitain ng pelikula ay higit na malaki kaysa sa karaniwang pelikula ng dalawang komedyante, makukuha ng AlDub ang kredito, at saka lang natin masasabing matindi na sila talaga.
Si Daniel, on his own ay napuno ang Smart Araneta Coliseum. Napuno rin niya ang SM MOA Arena. Kumita na nang matindi ang kanyang mga pelikula. Naging ilang platinum na ba ang kanyang plaka kahit na hindi naman siya singer? Ibig sabihin si Daniel, may pruweba na. Tingnan natin ngayon ang AlDub.
Kailangan lang ng push Rodjun magaling sa drama, puwedeng maging leading man
Noong isang gabi lang kami nagkaroon ng panahon at pagkakataong makapanood na muli ng TV ng ganoong oras. Usually kasi, nasa labas kami ng bahay kapag primetime. Hindi namin napapanood ang mga palabas ng ganoong oras. Kung may panahon naman, tinatamad kami sa serye dahil hindi rin namin maiintindihan. Hindi namin alam ang simula, hindi na rin naman namin makikita ang karugtong nito.
Anyway, noong isang gabi ay may napanood kaming drama. Hindi kami pabor sa istorya kasi naniniwala kaming “the end does not justify the means”. Tungkol iyon sa isang lalaking naging bayaran ng mga bakla dahil sa kagustuhan niyang maitaguyod ang kanyang pamilya. Hindi kami naniniwala na para makagawa ka ng mabuti, gagawa ka kahit na ng hindi tama.
Pero ang napansin namin noon ay ang acting ng bida na si Rodjun Cruz. Napanood na rin naman namin sa ilang TV drama si Rodjun kahit na noon, pero noong gabing iyon, ang galing niya talaga. Kung iisipin mo, puwede palang maging leading man si Rodjun talaga, kailangan nga lang siguro ng push. Hindi ganoon kasikat si Rodjun sa ngayon para sabihing kaya na niyang magdala ng isang teleserye, pero kung mabibigyan lang ng tamang push ang batang iyan, masasabayan halimbawa ng isang magandang publisidad, puwedeng-puwede na maging leading man iyan. May talent eh.
Hindi namin akalain na ganoon kagaling sa drama si Rodjun. Napapanood kasi namin iyan mga light roles lang. Madalas nagsasayaw lang. Iyon pala kung isasabak sa isang matinding drama ay kayang-kaya niya.