MANILA, Philippines - Bahagi na ng kulturang Pilipino ang manood ng mga programang horror dahil sa kabila ng takot, nagbibigay pa rin ito ng kakaibang excitement sa viewers.
Ngayong Linggo, Agosto 30, tatalakayin ng infotainment program ng Movie and Television Review and Classification Board na pinamagatang MTRCB Uncut ang pagkahilig ng mga Pinoy sa horror shows.
Kasama ang hosts at MTRCB board members na sina Bobby Andrews at Jackie Aquino, at ilang acclaimed directors ng horror films, alamin kung paano nakalilikha ng takot, panic, at alarma ang genre na ito sa mga manonood. Ipaliliwanag din ng board member na si Atty. Jojo Salomon kung paano ba binibigyan ng ratings ng MTRCB ang mga ganitong klase ng programa.
Bibisita rin sa set ng MTRCB Uncut ang veteran character actress na si Lilia Cuntapay. Kilalanin ang tinaguriang “Queen of Philippine Horror Movies” na ilang dekada na ring nananakot sa kanyang pagganap bilang aswang, manananggal, white lady, at kung anu-ano pa.
Samantala, personal namang tutugunan ni MTRCB Chairman Toto Villareal, sa I-Share Mo Kay Chair segment, ang ilang tanong na natanggap ng ahensya. Tatalakayin niya ang tungkol sa masamang epekto ng panonood ng horror films ng mga bata at maging ang rating process para sa festival films.
Pakatutukan ang lahat ng ito sa MTRCB Uncut ngayong Linggo, 7:00pm sa Net 25.