^

Pang Movies

Gov. Vi mas gusto nang maging produ kesa mamulitika

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa

Ikinatutuwa ni Governor Vilma Santos na ang ilang mga klasikong pelikulang kanyang nagawa na ay nai-restore ulit ng ABS-CBN, pero aminado siya na baka mahirap nang makahanap ng kopya ng klasiko niyang pelikulang Pagputi ng Uwak, Pag-itim ng Tagak, na pinagtambalan nila ni Bembol Roco at idinirek naman ng itinuturing na henyo ng pelikulang si Celso Ad.Castillo.

“Hindi ko na alam kung ano ang nangyari roon. Ako ang producer noon eh, pero mismanaged ang kumpanya dahil hindi ko naman naasikaso. May mga nangyari pa ngang isinasauli iyong lalagyan ng pelikula pagkatapos sa mga sinehan, tinatanggap naman ni Mama iyong isinasauli. Hindi niya alam lalagyan lang pala iyon at ang laman ay bato. Wala ang kopya ng pelikula. Kaya ang mga pelikula kong ginawa pinagkakitaan, kami hindi dahil nanakaw ang kopya,” kuwento ni Ate Vi.

“Pero kung sakali, gusto kong balikan ang pagpo-produce ng pelikula ngayon. Hindi iyong masyadong malalaking pelikula. Hindi rin naman iyong kagaya noong mga low budget na pelikula natin. Ang gusto ko iyong indie, na malaya mong magagawa kung ano’ng kuwento ang gusto mo, pero puwede mo rin namang ipalabas na mainstream, dahil malaki rin ang pelikula. Kasi kung gagawa tayo noong talagang indie, sinasabi nila sa akin mahirap ding makabawi dahil parang hindi pa rin tanggap ng publiko iyong indie lang. Mahirap mong ipalabas sa mga sinehan. Kailangan iyong medyo malaki rin talaga,” sabi pa ng gobernadora na nangangarap na makagawa nga ulit ng mga pelikula pagkatapos ng termino niya sa 2016.

Pero sinasabi nga nila, siya ang star ng isang pelikulang indie na certified box office hit.

“May naiisip na nga akong istorya eh. Pero doon sa istorya, ako rin ang gaganap na bida. Kasi iyon din naman ang advice nila sa akin eh. Kung gagawa kami ng ganoon, dapat ako na muna ang bida. Kasi that way daw magmumukhang mainstream ang pelikula kahit na indie ang budget. Kagaya nga rin ng nangyari roon sa Ekstra, may limit ang budget ng pelikula. Iyong buong production budget nila, kulang pa kung maniningil ako ng talent fee. Pero dahil gusto kong gawin iyon, sinabi ko sa kanila, sige huwag na lang ninyo akong bayaran. Kung ano man iyong ibibigay ninyo sa akin idagdag na lang ninyo doon sa mga ekstrang kukunin ninyo. Natapos namin ang pelikula. Kumita. Kaya masasabi ba ngayon na lahat ng indie hindi kumita?” sabi pa ni Ate Vi.

Papaano iyong political career niya?

“Inaamin ko naman pagod na ako for the past 18 years. Marami pa ring pressure. Sabi ko nga I might consider running for congress, pero iyong iba huwag na muna talaga. Lumalaki na si Ryan (Christian Recto), kailangan na niya ang mas malaking atensiyon. Kung pareho kaming busy ni Ralph (Recto), at alam naman ninyo ang trabaho ng isang senador, ganoon din, sino na ang maiiwan sa pamilya namin?

Mayroon pa ngang lumalapit, sige na governor, ako na muna ang tatakbo ngayon. One term lang tapos kung gusto mo after one term ko, bumalik ka ulit. Sabi ko nga wala na akong plano talaga. Bayaan na muna ninyong maisip ko ang lahat ng iyan. Basta ako governor pa ako hanggang sa susunod na taon at gagampanan ko na muna ang trabaho ko. Iyon ang mahalaga sa akin ngayon,” sabi pa ni Ate Vi.

Pero ang tiyak na matutuwa ngayon ay ang mga fans ni Ate Vi, dahil mukha ngang mas malinaw na ang kanyang mga plano sa pagbabalik sa show business kaysa sa pamumulitika.

“Sa totoo lang, at alam naman ninyo iyan, nami-miss ko na rin naman ang showbiz,” sabi pa niya.

ACIRC

AKO

ANG

ATE VI

IYONG

KUNG

MGA

NAMAN

PELIKULA

PERO

STRONG

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with