Pabebe ng AlDub pinahahaba na lang?!

“Akala mo laban ni Manny Pacquiao,” ganyan ang description sa amin ng isa naming kaibigan noong kanyang obserbasyon sa audience ang tambalang AlDub nina Alden Richards at Yaya Dub. Pero sabi nga niya, ang mga laban sa boxing ni Pacman ay may mahahabang pagitan, ang problema rito sa AlDub, kailangan nilang mag-maintain ng ganoong audience araw-araw, at napakahirap niyan.

Marami na nga ang nakakapansin na ang kanilang comedy nitong mga nakaraang araw ay masyado nang pinahahaba at sinasabi rin ng ibang observers na lumalaylay na rin. Hanggang sa ibang portion ay ipinapasok ang pabebe wave ni Yaya Dub (Maine Mendoza).

Si Alden Richards naman ay wala na ring ginawa kundi magpabebe wave na rin. Ang tanong, ano pa ang susunod na magagawa nila?

Siyempre ang sasabihin nila, hindi na muna nila iniisip kung ano pa ang gagawin dahil kinakagat pa ng mga tao ang gimmick na iyon. Isipin ninyo kung gaano katindi ang kanilang novelty, may araw na mas mataas pa ang audience share nila kaysa sa Pangako sa ‘Yo, na siyang top rater sa primetime.

Sino ba ang mag-iisip na ang hindi pa naman masyadong kilalang si Yaya Dub at ang hindi pa rin naman ganoon kasikat na si Alden Richards ang tatalo kay Daniel Padilla? Aba kahit na sabihin mong minsan lang nangyari iyon, para magkaroon ng mas malaking audience share ang isang noontime show kaysa sa isang prime time program, matindi ito.

Nakakatakot pero hindi natin maaaring hindi isipin, hanggang kailan iyan? Sa ngayon, hindi lang masasabing sakit na ng ulo ng kanilang kalaban ang Eat Bulaga. Makikita mo rin naman ang panic ng kanilang kalaban. Talagang pinipilit nilang bumangon sa publisidad. Nagpa-flood din sila ng mga post sa social media. Pero iba na network ang nagpo-post kaysa roon sa nangyayari sa AlDub na hindi mo na nga halos malaman kung saan nagmumula ang postings. Walang nagpa-flood, pero malulunod ka sa rami ng mga taong nag-uusap tungkol sa AlDub. Maski na mga artista ay sila na ang pinag-uusapan.

Kung kami naman ang tatanungin, ang maganda nga lang diyan sa AlDub ay nagsisingit sila ng mga magagandang values, at hindi kabastusan ang palabas.

Ang at Gozon hindi na pinahaba ang away

Tapos na ang problema ng GMA Network. Isinauli naman ng CEO nilang si Atty. Felipe Gozon ang hinahabol na isang bilyong piso na naging downpayment ng negosyanteng si Ramon Ang sa pagbili sana ng shares sa network.

Pero nauna roon, sinabi ni Gozon na kung iisipin ay may karapatan silang huwag isauli ang isang bilyon dahil sa istorbong ginawa sa kanila ng intention to buy na hindi naman natuloy. Honestly, hindi namin naiintindihan ang sinasabi niyang mga rights nila to retain dahil sa sinasabi niyang pagkabigo ng kanilang usapan, pero mas simpleng intindihin iyong nagbigay ng downpayment in trust, hindi natuloy, kailangang isauli ang pera.

Mabuti naman at iyon na ang kinauwian ng kanilang usapan. Dahil doon, inurong naman ng negosyanteng si Ramon Ang ang kanyang isinampang demanda laban sa Gozon group ng GMA Network. Naintindihan din naman niya na walang kinalaman ang ibang idinemanda niya dahil si Atty. Felipe Gozon ang unang gumawa ng desisyon na huwag ibalik ang isang bilyon nang hindi naman nalalaman ng iba.

Pare-pareho naman silang negosyante, at hindi naman diyan matatapos ang kanilang usapan. Ang mga kumpanyang hawak ni Ang ay advertiser pa rin ng GMA Network, kaya maganda ngang maging maayos ang pagtatapos ng kanilang usapan.

Show comments