KC natakot nang maospital si Sharon?!

Mukhang nagkakasundo na nga ang mag-inang Sharon Cuneta at KC Concepcion. Pareho silang nakatawa nang husto nang dumalaw si KC kay Mega na naka-confine sa ospital dahil sa kanyang matinding ubo. Kung sa bagay, iyon namang nangyari sa mag-ina ay hindi masasabing away kundi tampuhan lang siguro. Mukhang hindi talaga palagay ang loob ni Sharon doon sa gusto ni KC na mas maging independent at magsarili na ng buhay at ng bahay. Alam naman natin, sanay si Sharon na laging buo ang kanilang pamilya.

Nahiwalay lang si Sharon sa kanyang pamilya noong mag-asawa na siya, and towards late in life, nakasama niyang muli sa bahay ang mga magulang niya.

Pero siguro naman, nasanay kasi si KC sa ganoong buhay dahil alam naman natin, pinapag-aral siya sa abroad, at siguro dahil doon ay nasanay na siya sa mag-isang pamumuhay. Nang magbalik siya sa Pilipinas, naninibago na siya.

Kailangan na ng mas matinding check-up

Hindi na maganda ang nangyayari kay Mariel Rod­riguez, na sa ikalawang pagkakataon sa taong ito ay na­ku­nan na naman. Palagay namin, iba ang problema. Kasi nagbubuntis naman siya at sinasabi pa ngang sa pagkakataong ito ay triplets pa sana ang kanyang dinadala, pero ayun at nakunan nga.

Talaga nga sigurong may problema na, kaya nga si Robin Padilla ay napilitang mag-back out sa sisimulan na sana niyang pelikula dahil sinasabi niyang gusto niyang siya mismo ang tumingin sa kanyang asawa, na medyo delikado nga ang pagbubuntis. Pero ano nga ba ang magagawa ng pangangalaga ni Robin kung talagang mangyayari ang hindi nila gusto?

Ang problema riyan ay kung bakit laging nakukunan si Mariel. Palagay namin, kailangan na ang isang mas matinding check-up. Baka may iba pang mga problemang hindi nila alam, eh. Kasi medyo hindi na maganda ang sunud-sunod na nakukunan ang isang babae. May problema iyan na hindi lang nila alam dahil ang pinagtutuunan lang nila ng pansin ay ang kanyang pagbubuntis. Kailangan sigurong masuri ng isang mahusay na doctor si Mariel.

Minsan nangyayari talaga iyan eh, iyong sinasabi nilang “mahina ang kapit ng bata”. Noong araw basta ganyan, isinasayaw na lang iyan kung pista ni Santa Clara, pero ngayon may gamot na para riyan. Iba na ang medisina sa panahong ito. Marami na silang nagagawa.

Sa kaso ni Mariel, makikita mo naman na talagang nagpapa-check up siya sa doctor. Ito na siguro ang tamang panahon. Kailangan na siyang magpatingin.

Hindi puwede iyong basta nakunan, ganoon na lang. Natural naman na ayaw na nilang maulit pa ang pangyayaring iyan.

Lola Nidora hindi na lang basta nagpapatawa

“Ano ang akala ninyo sa pag-ibig, parang rubber shoes lang na puwede mong basta arborin,” ang sabi at panibagong pangaral ni Lola Nidora (Wally Bayola). Siguro nagpapatawa siya sa kanyang mga expressions pero dapat na seryosohin ng mga kabataan ang sinasabi niya dahil tamang lahat iyon.

Maganda ang ginagawa nilang ganyan kaya ok sa amin kung sa ngayon ay sila ang mas pinanonood ng mga tao.

Show comments