Yaya Dub mas maganda pa sa ibang ginagawang bida ng Kapuso

Kung titingnan mo ang naging takbo ng career ni Alden Richards, at ang mga show na ginawa niya noong una kagaya ng Alakdana at kung anu-ano pa na hindi siya napapansin talaga, aba eh masasabing napakalayo na ng isinipa ng kanyang career simula nang mapasama siya sa Eat Bulaga at lalo ngayong may nagawa silang gimmick, kasabay ng sikat na application na dubmash. Biglang sikat sila ng model na si Maine Mendoza sa isang kakatuwang love team na kilala ngayong Aldub.

Sa records ng mga survey, napakapagrehistro rin ang Eat Bulaga ng isang all time high doon sa kanilang August 1 show, at sinasabi ngang dahil iyon sa AlDub. Kung sabihin nga ngayon, hindi lang sila trending maging sa social media, kung ‘di sinasabing halos kalahati ng usapan sa social media ay may kinalaman sa AlDub.

Makikita mo pati ang paghahanap ng fans ng materials dahil sila mismo ang naglalabas ng mga pictures at vi­deos ni Maine Mendoza na nagpapakita kung gaano siya kaganda kung hindi siya naka-make up bilang Yaya Dub.

Hindi kami magtataka kung isang araw, gagawa na lang ng pelikula iyang sina Alden at Yaya Dub. Napapirma na nila ng kontrata sa pelikula si Alden, sigurado napapirma na rin nila si Yaya Dub.

Bakit nga ba hindi gagawin iyon ng kahit na sino eh nakita na nila na gold mine ang love team na iyon. Papaano pa kung lumabas na ang tunay na hitsura ni Maine, tiyak na mas maraming fans ang magkakagusto.

Natawa nga kami eh, kahit na iyong mga ibang kakilala naming estudyante sa mga kilalang schools na, at masasabi mong upscale naman ang buhay, aba parang nababaliw kay Yaya Dub.

Iyon nga lang, sana makawala din si Maine sa image na iyon ni Yaya Dub pagdating ng araw. Hindi lang naman comedy ang gagawin niya. Puwede rin iyan kahit na sa drama. Pang leading lady naman talaga ang mukha niya, at sasa­bihin na naming ito ha, huwag naman sana silang magagalit, mas maganda naman kasi si Maine kaysa sa maraming ginagawa nilang leading ladies sa mga teleserye nila.

Si Alden naman, aba nagkaroon na ng buhay ang career niya. Kailangan siguro siyang matuto naman kung papaano iha-handle iyon.

Teenstar na si Teejay hindi pa sumisikat pero may scandal photo na

Kawawa naman ang teenstar na si Teejay Marquez. Nagsisikap iyong tao na makagawa ng pangalan. Gusto niyang mas mapalaki pa ang kanyang status bilang isang actor, pero nagiging biktima pa rin siya ng hindi magagandang usapan.

May tumawag sa aming attention dahil sa nakalagay daw sa isang blog na diumano ay “scandal” ni Teejay Marquez. Hindi naman talagang matinding scandal, at hindi rin mukhang si Teejay dahil malabo naman ang picture. Naka-chat namin si Teejay at alam na rin niya ang bagong bintang sa kanya, pero sinasabi niyang sigurado siyang wala naman siyang ganoong picture at saka gusto nga rin niyang makita ano ba ang hitsura ng clear copy.

May isa naman kaming kaibigan na nagpadala sa amin ng na-i-save niyang clear copy ng picture na iyon, na sabi nga niya mga dalawang taon na yata ang nakaraan noong makita niya iyon sa internet din, at nang makita niya, ang caption pa noon ay Thai. Sa clear picture, may hawig nang kaunti ang mukha kay Teejay pero kung kilala mo siya, hindi mo sasabihing siya iyon talaga.

Noong araw, halos kapitbahay namin iyang si Teejay. Sa kabilang kalye lang iyan, kaya hindi kami magkakamaling maniwala na siya iyong nasa scandal.

Show comments