MANILA, Philippines - Nitong nakaraang buwan, naging matunog ang isyu ukol sa same-sex marriage nang maging legal ito sa Amerika. Naging popular ang linyang “Love Wins” sa social media. At dito sa Pilipinas, isang pangalan din ang nagmarka sa kasaysayan nang siya ang kauna-unahang Pinoy na nabigyan ng same-sex fiancé visa mula sa U.S. Embassy. Siya si Noel “Aeinghel” Amaro na mapalad na nagkaroon ng “happy ending” kay Robert Cotterman, isang sundalong Amerikano.
Ngayong Sabado sa Wagas, saksihan ang kanilang nakaaantig na love story na gagampanan ng Kapuso leading man na si Geoff Eigenmann at ni Carl Guevarra.
Ang kanilang pag-iibigan, hindi isang simpleng “Beki” love story. Ito ay kuwento ng dalawang nilalang na nakipagsapalaran upang ipaglaban ang kanilang pagmamahalan kahit nasa magkabilang dulo ng mundo. Ito rin ay kwento ng “first love” at pag-ibig na walang kasamang panghuhusga.
Mula nang magladlad si Aeinghel (Carl Guevarra) noong katorse anyos, hindi lang masasakit na salita mula sa ibang tao ang kanyang natamo kundi mga pasa mula sa sariling ama. Kaya naman hindi na umasa si Aeinghel na may tunay na magmamahal sa kanya.
Nakilala ni Aeinghel sa Internet si Robert (Geoff Eigenmann), isang sundalo na mga babae lang ang naging kasintahan. Buong akala niya’y babae rin si Aeinghel. Pero walang inilihim si Aeinghel sa binata. Naging magkaibigan ang dalawa. At kalaunan, nabuo ang unang pag-ibig sa isa’t isa.
Makalipas ang limang taon mula nang maging sila ni Robert, nakatanggap si Aeinghel ng hindi inaasahang balita: ipinatawag siya ng embahada ng Amerika sa Maynila. At noong Disyembre ng 2013, si Aeinghel ang naging kauna-unahang bakla sa Pilipinas na nakatanggap ng fiancé visa para makapagpakasal sa Amerika.