Hindi agad nakasakay ang singer na si Chris Brown sa kanyang eroplanong naghihintay sa isang pribadong hangar malapit sa Terminal 4 ng NAIA noong Miyerkules, nang pigilin siya ng mga kinatawan ng Bureau of Immigrations, dahil sa isang look out order na pinalabas ng DOJ laban sa singer. Pinayuhan ng mga taga-Immigration na kumuha muna ng clearance sa DOJ para siya makaalis.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na ang look out order ay pinalabas nila dahil sa isang reklamo laban kay Chris Brown dahil sa hindi niya pagsipot sa concert noong nakaraang Bagong Taon na dapat sana ay ginanap sa Philippine Arena. Ang naging dahilan noon ay nawala diumano ang passport ni Chris Brown, pero may nagsasabing ang dahilan ay personal na problema sa kanyang girlfriend. Dahil sa hindi niya pagsipot sa concert, sinampahan siya ng demanda ng Maligaya Corporation ng Iglesia ni Cristo na siyang organizer ng New Year concert na iyon. Umaasa naman ang singer na makakaalis din ng walang problema.
Medyo malabo ang nangyaring iyan. Tiyak na magkakaroon ng sisihan diyan dahil walang nagawang paraan para hindi maharang si Brown. Ang maganda sana pagdating pa lang niya ay sinabihan na siya tungkol sa look out order para naayos na niya iyon habang maaga, hindi iyong ganoon kung kailan paalis na siya at saka siya iho-hold. Hindi magandang image iyan para sa atin.
Iyang mga ganyang bagay sana, ilagay natin sa ayos. Iyon namang complaint laban kay Brown, noon pa iyon. Dapat pinayuhan din nila ang promoter ni Brown na may ganoong kaso at may ganoong order para napagsabihan nila iyong tao, hindi iyong papupuntahin nila rito tapos at saka nila ilalabas ang ganyang order. Baka dahil diyan ay matakot nang magpunta sa bansa ang ibang foreign performers, kasi maaari pala silang ipa-hold anytime.
Ate Vi ayaw maging pamasak butas!
Ngayon, si Senador Ralph Recto na ang nagsabi, “walang sinabing tumakbo sa anumang mas mataas na posisyon para sa 2016”. Ngayong ang senador na ang nagsabi, maliwanag na ayaw na rin niyang ang kanyang asawa ay matali pa sa pulitika pagkatapos ng labing walong taong serbisyo nito.
Gusto na rin ng senador na magpahinga ang kanyang asawa lalo na’t matapos na magkasakit last year dahil sa sobrang pagod.
Si Ate Vi naman mismo, nagsabi ring hindi niya ine-entertain ang anumang naririnig niyang mga alok na tumakbo siya sa mas mataas na posisyon.
Hindi rin namin maintindihan kung bakit nga ba sa kabila ng sinasabi ni Ate Vi na ayaw niya talagang makilahok pa sa pulitika, mukhang siya pa ang ayaw tigilan. Mas lalo namang hindi maganda iyong mga lumalabas na hinihimok siya matapos na tanggihan ni Senador Grace Poe ang alok ng administrasyon. Bakit ano ang akala nila kay Ate Vi, pamasak butas?
Napakaganda ng record ng serbisyo ni Ate Vi. Maganda rin naman ang iba pang mga balak niya. Pero mas malaki ang magagawa niya kung magbabalik siya sa showbusiness, kasi talagang ang mga artistang kagaya niya ang kailangan ngayon ng industriya.
Sana nga totohanin na lang ni Ate Vi ang tuluyang pagbabalik sa showbusiness, kaysa sa magpahimok pa siyang kumandidato ulit.