MANILA, Philippines – Sa kanyang huling termino bilang gobernador ng Batangas, may plano kayang tumakbo si Governor Vilma Santos sa mas mataas na posisyon sa darating na 2016 elections?
Isa lang ito sa maraming katanungang sasagutin ng gobernador sa panayam ni Professor Solita Monsod sa kanya ngayong Lunes, Abril 6, sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie.
Taong 1998 nang sumabak sa pulitika ang Star for All Seasons na si Vilma Santos bilang mayor ng Lipa City, Batangas. Natapos niya ang kanyang termino bilang mayor hanggang sa nagpatuloy ang kanyang karera sa pulitika nang siya ay manalo bilang gobernador ng Batangas noong 2007.
Naging kontrobersyal siya kasama ang asawang gobernador na si Senator Ralph Recto nang mula taong 2010 hanggang 2013 ay pumapangalawa si Senator Recto sa listahan ng pinakamayayamang senador sa bansa samantalang si Governor Vilma, pinakamayaman naman daw noong 2011. Hindi rin pinalampas ang pagkakaroon ng mag-asawa ng dalawang dollar accounts.
Isang taon bago matapos ang kanyang termino bilang gobernador, may mga balitang nililigawan umano siya ni Vice President Jejomar Binay para maging running-mate sa 2016 presidential elections.
Usap-usapan din na sasabak sa politika ang kanilang anak na si Luis Manzano.
Iyan at iba pa ang mga hindi dapat palalampasin sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie ngayong Lunes, 10:15 ng gabi sa GMA News TV.