Nakakatuwa naman ang mga balita na mukhang talagang tapos na ang problema ng mag-amang Julia Barretto at Dennis Padilla. Wala si Julia sa huling hearing ng kanyang inihaing petisyon para palitan na ang kanyang pangalan at alisin na ang apelyido ng kanyang ama na Baldivia sa lahat ng mga dokumentong mapagkakakilanlan sa kanya. Sa kanyang petisyon sa korte, sinabi niyang gusto na lamang niyang makilala bilang Julia Barretto.
Tinutulan naman iyon ni Dennis na nagsabing nagkahiwalay nga sila ng asawang si Marjorie Barretto, at inamin niyang siguro ay nagkukulang din siya sa kanyang mga anak dahil wala naman siyang trabahong matatag sa ngayon, pero hindi sapat na dahilan iyon para alisin ang kanyang apelyido sa pangalan ng anak.
Lately, nagkasundo na rin naman ang mag-tatay, at sinasabi nga ni Dennis na sa kanilang usapan ng kanyang anak, babawiin na ni Julia ang kanyang petisyon. Nagpahayag na rin naman si Julia na sa palagay niya hindi na mahalaga ang hiningi niya noon na change of name.
Pero iba sa korte eh. Kailangang pormal ding iurong ng petitioner ang kanyang naunang kahilingan para mai-drop na ang usaping iyon. Sinasabi ng mga abogado ni Julia na hindi pa nila nakakausap ang kanilang kliyente at wala pa namang ibinibigay sa kanilang instructions na iurong na ang kanilang petisyon. Pero pinaniniwalaang mauurong na nga ang kaso at matatapos na rin ang problemang iyan.
Himala ng Birhen patok na patok noon
Dagdag pang trivia. Alam ba ninyong ang isa sa kauna-unahang pelikulang Pilipino pagkatapos ng digmaan ay ang Himala ng Birhen ng Antipolo? Iyon ay ginawa ng manunulat at director na si Susana C. De Guzman at ang bida ay sina Rosa del Rosario, Rogelio dela Rosa at Rosa Rosal. May nakuha pa kaming kopya ng 1947 film na iyan sa video. Tungkol iyon sa isang doctor na pinaghimalaan ng birhen.
Sa kuwento sa amin ng mga mas nakakatanda, pinilahan din daw ang pelikulang iyan nang ipalabas sa sine Dalisay. Katunayan, ang may malaking market sa Pilipinas ang mga panooring relihiyoso ang tema.
Kuya Germs umaasa ng karagdagang indulhensiya sa Manaoag?!
Salamat naman sa Diyos at malakas na ulit si Kuya Germs. Naituloy din niya ang kanyang panatang pilgrimage sa Manaoag, sa Basilika ng Birhen ng Santo Rosaryo ng Manaoag, noong Lunes Santo.
Unang biyahe iyon ng malayuan ni Kuya Germs simula noong magkasakit siya. Ok lang naman. Maganda ang kanyang pakiramdam all the way. Iyon din bale ang kanyang kauna-unahang pagdalaw sa Manaoag, matapos na ang simbahang iyon ay maideklarang isa nang Basilica.
Ang isang basilica ay may mga pribilehiyo. At ang mga mananampalatayang dumadalaw sa mga ganyang simbahan ay nagtatamo ng mga karagdagang indulhensiya.