Sabi nila, si Daniel Padilla ang kauna-unahang Pinoy celebrity na nanalo ng title mula sa 2015 Nickelodeon Kids’ Choice Awards. Napili siyang Global Slime Star doon. Kung iisipin mo, iyang Nickelodeon ay gumagawa ng worldwide selection. Aba, napakalaking bagay ng title na iyan.
Actually katuwaan nila iyon, iyong mga big stars talagang ini-slime nila. Binubuhusan ng kulay berdeng slime, kagaya din ng “ice bucket challenge”. Pero para mapansin ka ng isang network na kagaya ng Nickelodeon, aba hindi biro iyon.
Siguro simula nga lang iyan. Magandang international exposure iyan. Kung titingnan mo naman ang hitsura ni Daniel, aba kaya niyang labanan kahit na ang mga matinee idol sa abroad. Kung titingnan mo nga, mas may hitsura pa siya kaysa sa marami sa kanila eh.
Ang kailangan lang naman talaga ng mga Pinoy, makapasok at mapansin sa international market. Unti-unti nang nangyayari iyan dahil sa telebisyon. Napapanood sila sa TFC, o sa Pinoy TV. Napapanood na rin sila dahil sa videos. Nakikita sila sa pamamagitan ng streaming sa Internet. Kung may hitsura talaga, pansinin iyan. Basta napansin na sila, madali na iyan.
Kailangan nga lang siguro kay Daniel, kaunti pang push. Hindi malayong magkaroon din tayo ng isang Asian star. Puwede namang ihanay siya sa mga sumikat na Koreano, o sa mga Japanese at Chinese stars. Puwede mong itapat si Daniel kahit kina Mario Maurer, tingnan naman ninyo ang laban sa mukha pa lang.
Iyon ang sinasabi namin, pag-aralan ninyo ang mga artistang Pilipino. Mas may mga hitsura pa kaysa sa ibang mga Asyano. Magagaling naman ang mga artistang Pilipino. Kahit na drama lamang ang acting ng mga Pinoy.
Siguro nga tinatalo lang nila tayo dahil sa kanila ang produksiyon dahil kahit na ng mga serye, napakalaki talaga ng budget. Siyempre mas mapapahusay kung malaki ang budget. Eh tayo naman, medyo delayed ang naging development ng telebisyon sa atin. Ngayon naiiwan na tayo sa pelikula, lalo na nga noong pumasok na ang mga makabagong technology. Hindi ganoon kalaki ang puhunan natin eh.
Pero ang mga artista natin, panlaban.
Ang maganda pa kay Daniel, nananatiling humble iyong bata. Nakita nga namin ang panawagan niya sa fans na huwag magsasalita ng hindi maganda laban sa ibang artista dahil kaibigan din naman nila ang mga iyon. Hindi ba magandang example pa?
Pinakamalaking kumita sa takilya, religious ang tema
Mahal na Araw na naman. Maski ang mga palabas sa telebisyon, puro temang pang Mahal na Araw. Kasi naman, halos 90 porsiyento ng mga Pinoy ay Katoliko, at nakikiisa rin naman sa pag-alaala sa panahon ng Mahal na Araw maging ang mga kasapi sa maraming iba pang sekta.
Pero alam ba ninyo na kabilang sa mga pinakamalaking moneymakers na pelikula ay religious ang tema? Sa Pilipinas, ang biggest moneymaker noon ay ang Ten Commandments, na anim na buwang pinilahan ng tao sa Galaxy Theater.
Isa sa mga kauna-unahang pelikulang gawa sa Pilipinas ay isang documentary na ang title ay Fiesta de Quiapo. Isa pa sa mga sumikat na pelikulang Pilipino noon ay batay din sa pasyon, iyong Kalbaryo ni Hesus, na ginawa ng director na si Carlos Vander Tolosa.
Hindi tumigil ang mga Pilipino sa paggawa ng mga pelikulang relihiyoso ang tema at kumita naman ang mga iyan. Inilalabas na nila iyan kahit na hindi panahon ng mahal na araw. Mayroon din naman isinasalin o dubbed sa Pilipino, kagaya ng isang napanood naming film bio ni Santo Padre Pio.