MANILA, Philippines - Tinatayang mahigit 200,000 mga Pinoy ang nakatira ngayon sa tinaguriang Land of the Rising Sun at karamihan sa kanila ay narorooon para makapagbigay ng magandang kinabukasan sa kanilang mga mahal sa buhay. Pero sa lugar na ibang-iba sa nakagisnan, paano nga ba nabubuhay at nagsisikap ang mga Pinoy para magtagumpay?
Ngayong Sabado, March 21 pagkatapos ng Celebrity Bluff sa GMA7, tunghayan ang mga kasagutan sa tanong na ito sa special travel documentary na Mundo ni Juan... sa Japan!
Kasama ang Kapuso actress na si Iya Villania, maghanda na sa paglilibot ng Mundo ni Juan sa mga sikat na lugar sa Tokyo, Osaka at Nagoya habang kinikilala ang mga Pinoy na gumagawa ng kanilang pangalan ngayon sa Japan.
Magsisimula ang Mundo ni Juan sa pag-iikot sa Tokyo kabilang na ang sikat na istatwa ng loyal na asong si Hachiko at ang biggest at busiest pedestrian crossing sa mundo na makikita sa Shibuya District. Kakaiba sa modernong buhay sa ibang lugar ng Tokyo, pupuntahan din nina Iya ang tahimik na lugar ng Yanaka kung saan matatagpuan ang mga templo at lumang bahay. Sisilipin rin nila ang Eiffel Tower-inspired na Tokyo Tower, ang Pokemon Center at ang tinaguriang land of the cosplays – ang Harujuku Station.
Maraming Pinoy sa Tokyo at dito makikilala ng Mundo ni Juan ang tinaguriang Pinay Cinderella na si Abby Watabe, isang dating entertainer na nagmamay-ari na ngayon ng mahigit 100 karaoke branch sa Japan. Bibisitahin din ang sikat na Pinay jazz singer na si Marlene dela Peña na kahit tatlong dekada nang nakatira sa Japan ay patuloy pa ring tumutulong sa mga charity project para sa mga less fortunate children sa bansa.
Alamin naman kung ano ang mga naging dahilan bakit bumalik sa kanyang bansa ang dating Survivor castaway na si Suzuki Sadatsugu kahit nakapasok na sa showbiz. At kilalanin ang Filipino Japanese na si Maryjun Takahashi na gumanap bilang Yumi Komogata sa pelikulang Rurouni Kenshin.
Sa Osaka naman, lilibutin ng Mundo ni Juan ang Osamu Tezuka Manga Museum na ginawa noong 1994 bilang pagkilala sa legendary Japanese Manga artist na si Osamu Tezuka, ang lumikha ng mga ilang legendary Japanese characters na malapit sa puso ng mga Pinoy tulad ni Astroboy.
Mukhang mas malapit naman sa puso ng mga Pinoy sa Japan ang siyudad ng Nagoya dahil matatagpuan dito ang The Filipino Migrants Center na pinangungunahan ni Virgie Ishihara. Sa kasalukuyan, daan-daang kaso na ng domestic violence at iba pang kaso na hinarap ng mga Filipino migrant sa Japan ang naresolba na ng Filipino Migrants Center.