MANILA, Philippines - Ngayong 1-4 p.m. ang glitzy fashion show para sa Love 2 Collection na collaboration ng mag-iinang Ruffa Gutierrez, Lorin, at Venice Bektas sa fashion designer na si Rajo Laurel.
Naisulat ko na kahapon na rarampa sa nabanggit na fashion show ang mag-inang Sarah Lahbati at Baby Zion.
Nang makausap ko si Annabelle Rama, ikinuwento niyang nagpaalam sa kanya si Sarah kung puwedeng pumunta sa event ang nanay nito na si Esther Lahbati.
“Kinausap ako kanina ni Sarah, kung puwede raw pumunta si Esther sa fashion show dahil excited din ang nanay niya na makitang rumampa si Baby Zion. Sabi ko naman kay Sarah, walang problema. Papuntahin niya.
“Ang laki-laki naman ng The Events Place sa Century City Mall, hindi naman namin kailangang magkita roon. Marami rin namang mga tao na pupunta, kaya walang problema sa akin.
“Sabi pa ni Sarah, sana raw magbati na kami ng nanay niya. Sabi ko naman, nauna ang nanay niya na nag-post, kaya hindi talaga ako ang unang babati sa nanay niya.
“Saka kung magkakabati kami ni Esther, darating na lang siguro ‘yon. Basta welcome siya sa event ni Ruffa. Puwedeng-puwede niyang panoorin ang pagmo-model ni Baby Zion. Hindi ko ipagdadamot ‘yon. Hindi ko naman ugali na magdamot. Apo rin siyempre ni Esther si Baby Zion,” ang malumanay na pagkukuwento ni Bisaya.
Nine months na rin naman ang lumipas after na magkaproblema sina Bisaya at Esther pagkatapos ng binyag ni Baby Zion, kaya marami talaga ang umaasang magkakabati na sila.
Unang inasahang magkakaayos sina Bisaya at Esther sa birthday party ni Sarah sa 71 Gramercy bar/restaurant noong October last year, pero walang naganap na pagbabati sa pagitan ng dalawang nanay.
Miriam hinihintay kung nagkuwento sa honeymoon ng unang asawa
Pagkatapos ng fashion show event ni Ruffa mamaya, si Miriam Quiambao naman ang may book launch event ng 4-6 p.m. at ang venue naman niya ay sa National Bookstore sa Glorieta 1 sa Ayala Mall, Makati City.
Inspirational book daw ‘yon about her life story.
Kasama kaya sa libro ang tinukoy noon ni Miriam na walang nangyari sa kanila ng una niyang mister during their honeymoon?
Teka! Hindi naman yata nakaka-inspire ‘yon para sa mga misis, kaya baka hindi na isinali pa ‘yon.
Anyway, sabi ni Miriam, maraming celebrities na susuporta sa book launch niya mamaya at pagdating daw ng 6:00 p.m. magkakaroon siya ng book signing para sa mga bibili ng kanyang libro.
Dela Salle player endorser na rin ng Smart
Um-attend ang De La Salle University Green Archers na sina Arnold van Opstal, Julian Sargent, at Joshua Torralba sa special screening ng PLDT HOME Telpad para sa Disney movie na Cinderella na ginanap sa Shangri-La mall.
Part na kasi ng PLDT HOME Telpad ang Disney Interactice, kaya nag-imbita sila para sa special screening ng nasabing Disney movie.
After ng ilang araw, pumirma naman ng kontrata si Arnold sa Smart as a new ambassador.
Sabi ni Avo (palayaw ng basketbolista), masaya siya na maging parte ng Smart.