Kung iisipin mo, nakakalamang ang TV5 pagdating sa news. Kung makikita ninyo ang kanilang newsroom ngayon, sabi nga namin, para sa kagaya naming nakaranas na magtrabaho sa isang masikip na newsroom, magkakaharap kami sa isang round table, gumagamit ng typewriter na Remington at camera na Bolex, iyong newsroom ng TV5 ngayon ay isang panaginip lang, isang “Disneyland”. Aba eh talagang ang daming computers, may kanya-kanya silang cubicles, ang monitors na puro led ay nagkalat. Lahat ng kailangan mo nandoon na. Pinakamoderno ang kanilang cameras, at mayroon na silang live pack, ibig sabihin isang equipment kung papaanong maita-transmit ang report at video ng isang reporter, live mula sa kahit na saang remote point patungo sa studio, straight on the air. Hindi na kailangan ng OB van.
Ang isang advantage pa ng TV5, ang mga napapanood ninyong nagbabalita ay mga journalist talaga, iyong may kasanayang kumuha at kumalap ng balita, at hindi mga “presenters” lamang na nagbabasa ng balitang inihatid nila. Kung titingnan mo ang kanilang line up ng mga taong gumagawa ng balita, sina Luchi Cruz Valdez, DJ Sta.Ana, Ed Lingao, at Patrick Paez, aba iyan ang kinikilalang kabilang sa pinaka-mahuhusay sa industriya.
Doon nga sa aming kuwentuhan noong isang araw, naalala namin, may panahong ang ABC 5 ang kinikilalang leader pagdating sa television news. Actually hanggang ngayon, walang news program na nakapantay at nakaabot sa popularidad ng Big News noon ng Channel 5. Pagdating ng oras noon, lahat ng taong gustong malaman ang balita, at makuha iyon mula sa mapagtitiwalaang sources, pupunta sa Big News ng Channel 5. Sa kalagayan ng TV5 ngayon, natanong nga namin sila, kailan kaya maibabalik ang popularidad ng kanilang newscast kagaya ng Big News noong araw.
“Mahirap sagutin iyan. Ayokong sagutin, pero iyan ang ultimate goal namin at pinagsisikapan naming maabot iyan,”sabi ni Luchi Cruz Valdez, ang kanilang tinatawag na “hepe”.
Pero napagkuwentuhan din namin ni Patrick Paez na siyang producer nila ng mga news programs, parang nasa kanila na ang lahat eh, dapat maangkin na nila ang supremacy sa pagbabalita. Pero iyon nga, pinakabagong news organization ang TV5, at ang kalaban nilang isa ay iyong viewing habit ng mga tao. Iba iyong nakasanayan na nilang panoorin. Pero kung mag-eeksperimento lang kayo sa panonood, at kung kagaya namin na ang aming batayan ay iyong “news evaluation” at iyong aming karanasan din simula noon, sasabihin ninyo pinakamapagkakatiwalaan ang TV5.
Toni sumunod lang naman daw sa utos
Bago pa nagsimula ang press conference ng You’re My Boss na pinagbidahan nila ni Coco Martin, nagsalita na si Toni Gonzaga tungkol sa kanyang pinintasang hosting ng Binibining Pilipinas, na sinasabi nga ng marami na ginawa niyang parang comedy bar.
Sabi ni Toni, wala siyang masamang intensiyon, at ang gusto lang niya ay magpatawa. Kasi inutusan daw siyang magpatawa para hindi naman masyadong seryoso ang tanungan. Pero iyon na nga, iba ang type of comedy niya. Parang nakasanayan niyan ang tipo ng comedy sa mga comedy bars. Tama naman siya, inutusan kasi siya eh.
Kung sa bagay, mabuti si Toni marunong mag-sorry. May mga taong kitang-kita na ang kapalpakan sinasabi pang wala silang dapat na ihingi ng sorry. Iyong mga ganoong tao dapat ipadala sa China, “where self criticism is a must”.
Boses wala nang pag-asa?! Nora lagot kay Kris
Sumama sa isang rally si Nora Aunor at hiniling na mag-resign bilang presidente si P-Noy. Matindi iyong sinabi ni Nora. Sabi niya “hindi dapat naging presidente iyan”. Sa ginawang iyon ni Nora, ituloy pa kaya ni Kris Aquino ang sinabi niyang pananagutan nila ng kanyang partner na si Boy Abunda ang pagpapaopera ng lalamunan niya para makapagsalita siya nang maayos kung hindi man makakantang muli? Lagi kasing paos si Nora kaya iyong mata na lang niya ang ipinagmamalaki niya sa pag-arte.