Hindi na natapos ang comparison kina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. dahil sa kanilang nalalapit na bakbakan sa boxing ring sa May 2.
Nakunan si Mayweather Jr. ng litrato na nagsusugal sa Las Vegas habang pagbabasa ng Holy Bible ang inaatupag ni Papa Manny sa Los Angeles.
Magkaibang-magkaiba ang mga personalidad nina Mayweather at Papa Manny pero marami ang naniniwala na ang Pambansang Kamao ang mananalo sa makasaysayan na boxing fight na mangyayari sa Las Vegas dahil sa disiplina sa katawan na ipinakikita niya.
Chiqui, Dyan, at Connie binabantayan si Pacman!
Magkikita ngayon sina Papa Manny at Mayweather sa grand presscon ng kanilang laban sa Nokia Theater.
Hindi na mauulit ang presscon dahil magiging busy na sila sa kanilang mga boxing training.
Hindi mahuhuli sa balita ang mga Pinoy dahil malalaman nila agad ang mga kaganapan sa Nokia Theater.
Ipinadala ng GMA-7, ABS-CBN, at TV5 sa Los Angeles ang kanilang mga reporter para i-cover ang historical presscon nina Papa Manny at Mayweather.
Nagpunta sa Los Angeles sina Dyan Castillejo ng ABS-CBN, Connie Sison ng GMA-7 at Chiqui Roa Puno ng TV5 para maghatid sa Pilipinas ng update sa presscon na inaasahan na dudumugin ng boxing fans.
Walang katiyakan kung kailan makababalik sa Pilipinas ang tatlong female reporters dahil nakatutok sila sa lahat ng activities ni Papa Manny sa Amerika.
Gusto na talaga sa ‘Pinas Patricia naghahanap na ng clinic na mapapasukan ng asawa
Mukhang matatagalan pa sa Pilipinas si Patricia Javier at ang kanyang chiropractor husband na si Rob Walcher dahil naghahanap ito ng clinic na mapapasukan.
Mahusay na chiropractor ang mister ni Patricia kaya madaling matutupad ang pangarap niya na makapagpatayo ng sariling clinic sa Metro Manila.
Nasubukan na ng ibang mga artista ang husay ni Rob at pare-pareho ang kuwento nila na nawala ang pananakit ng kanilang mga katawan at ulo.
Nagkaroon si Rob ng mga charity work sa maraming lugar sa Metro Manila. Na-educate ang mga tao tungkol sa kanyang propesyon dahil itinuro ni Rob sa kanila ang kahalagahan ng bone adjustment and alignment.
Stage mother buking na ang ilusyon na talunin ang anak sa popularidad
True ang mga kuwento tungkol sa isang stage mother na type na makipag-compete sa popularidad ng kanyang anak.
Pinandidirihan ang stage mother dahil feeling sikat ito at enjoy na enjoy sa pagpapainterbyu.
May bad news ako para sa stage mother dahil tapos na ang maliligayang araw niya. Wala nang interes sa kanya ang mga reporter dahil buking na ang pagiging ilusyonada niya. Hindi na maisusuot ng stage mother ang kanyang mga sexy dress na gagamitin niya sana sa mga TV interview.
Ash iba ang hitsura sa personal
Ash Ortega pala ang name ng bagong young actress na nakasabay ko sa elevator ng GMA-7 habang paakyat ako sa presscon venue ng InstaDad.
Bitbit ko ang paper bag na pinaglagyan ko ng mga blouse na ibibigay ko sa isang reporter nang magbigay-pugay sa akin ang bagets.
Pinansin ni Ash ang paper bag na dala ko. Ang akala niya, nanggaling na ako sa presscon ng InstaDad at nabigyan na ako ng lootbag.
Nang tingnan ko ang paper bag, ang picture ni Ash ang nakita ko dahil siya pala ang endorser ng beauty soap na ipinamigay sa presscon ng coming soon na Sunday afternoon show ni Gabby Eigenmann.
Hindi ko namukhaan si Ash dahil iba ang hitsura niya sa personal at sa picture sa paper bag na bitbit ko.