Noong unang dumating si Megastar Sharon Cuneta sa ABS-CBN, dalawampu’t pitong taon na ang nakararaan, siya noon ang kanilang biggest star. Galing siya sa isang high rating musical variety show na ginagawa niya sa IBC 13. Pero wala na eh. Nagkaroon ng EDSA revolution, kinuha ng gobyerno ni Cory Aquino ang pamamahala sa IBC 13 sa mga original owners. Kaya wise decision nga na lumipat siya sa ABS-CBN na bagong bukas naman noon ulit.
Ibang klase ang negosasyon dahil doon. Talagang inalok sa kanya ang langit at lupa, lumipat lang siya. Nagkaroon pa iyon ng controversy, dahil ang feeling ng IBC 13, naagawan sila.
Kaya ang ginawa nila, kinalaban nila mismo ang bagong show ni Sharon sa paglalabas ng mga hits niyang pelikula kasabay noon. Still, ang initial telecast ng show ni Sharon sa ABS-CBN ay nakapag-rehistro ng napakataas na ratings. Tumagal iyon ng maraming taon.
Iyong show niya, sinabayan pa ng basketball coverage, pero lumalaban pa rin. Hanggang sa magdesisyon nga siyang itigil muna iyon dahil gusto niyang samahan ang kanyang asawa na si Secretary Kiko Pangilinan para mag-aral noon ng isang taon sa US.
Nang magbalik si Sharon, iba na ang sitwasyon. Sinasabi nilang hindi na uso ang mga musical variety shows kagaya nang ginagawa niya noong araw. Isa pa, napalaki ng gastos ng produksiyon ng mga ganoong klaseng programa.
In fact, nang matapos ang show ni Sharon, wala nang ibang musical variety shows na nagawa ang kahit na anong network na kagaya noong sa kanya. Sinasabi nga nila, noong tumigil si Vilma Santos dahil gustong magka-anak ulit, at tumigil si Sharon Cuneta sa kanyang show, iyon na ang ending ng mga musical variety programs na dati ay siyang carrier program ng bawat lumalabang network.
Nang magbalik si Sharon noong isang araw sa ABS-CBN, iba ang sitwasyon. Nasabi nga niya, “I was humbled by my experience the past three years”. Sinabi na rin niya, “Boss Vic is no longer managing me. I’m back with Sandra Chavez alone handling my career.”
Sinabi rin ng Megastar, “I’m willing to work with anyone, and I’m willing to do my very best. Kung mayroon akong hindi pa nailalabas na talent, iisipin ko iyon at ilalabas ko na”.
Sa sinabing iyan ng Megastar, isang bagay ang sigurado, pagkatapos niyang maging miyembro ng jury ng Your Face Sounds Familiar, marami pang proyektong magagawa iyan.
Siguro nga masasabi naming kilalang-kilala namin si Sharon. Kung ano ang isipin niyang gagawin niya ay magagawa niya. Isa lang ang talagang hindi niya nagawa, “iyong pangarap kong maging sexy star”. Pero maliban doon, alam namin kung papaanong magtrabaho iyan, lahat kakayanin niya.
Kailangan lang ng tamang projects na gagawin. Sabi niya, nakahanda na rin siya sa isang drama sa teleserye. Pero parang hindi kami pabor doon. Kagaya nga nang sinasabi ng long time manager niyang si Mina Aragon noong araw, na siyang nagha-handle sa kanya noong kasagsagan ng kanyang career, “hindi dapat magdrama si Sharon sa TV dahil oras na gawin niya iyan, magsa-suffer na ang pelikula niya. Kailangan kumanta siya sa TV dahil iyon ang hinahanap ng masa sa kanya.”
Palagay namin tama si Boss Mina, kasi hanggang ngayon iyong mga nakakausap naming fans ni Sharon, sinasabi na sana ay magkaroon siya ng mas marami pang concerts. Sana magkaroon siya ng isang musical show ulit. After all, sabihin nga ninyo sa amin kung sino ang masasabi ninyong may mas magandang boses kaysa kay Sharon sa ngayon?
Siguro nga nagkaroon ng mga maling diskarte sa kanyang career, pero hindi mo naman masasabing totally mali iyon. Siguro nalihis lang ng diskarte, pero ang paniwala namin with the right projects, muling mapapatunayan ni Sharon na siya lang ang nag-iisang Megastar.