MANILA, Philippines - Nangangarap ang anak ni April Boy Regino na si JC na makapag-concert sa Araneta Coliseum.
Minana ni JC ang talent sa musika ng kanyang amang singer, ‘ika nga, like father, like son.
Bata pa noon si JC ay tumutugtog na siya ng gitara, piano at drums. At sa edad na 14, nakapag-compose na pala ito ng sariling kanta pero ayon kay JC, hindi ito nagustuhan ng kanyang ama.
Pero imbes na sumuko mas na-inspire pa si JC na pagbutihin ang kanyang talent sa pagkanta at pagsusulat ng songs kaya sa edad na 23 ngayon, desidido na siyang susunod sa yapak ng ama.
Ilan sa mga kantang naisulat na ni JC ay ang Hanggang sa Dulo ng Aking Buhay at Di Na Ako Iibig Pang Muli na kasama sa album nilang mag-ama, ang Idolstar na ini-launch nu’ng 2010.
Nang pumunta ang kanilang pamilya sa US, si JC ang isa sa mga guests ni April Boy Regino sa mga shows niya roon. Dati, duet sila ng kanyang tatay pero ngayon, kaya na niyang kumanta nang solo.
Sa rami nang experience at performances niya, nagdesisyon silang bumalik sa ‘Pinas para rito ituloy ang singing career ni JC Regino.
Pinakabagong carrier single ni JC ay ang Pinakamaganda na composed ng legendary songwriter na si Vehnee Saturno. Kasama rin dito ‘yung dalawang kanta ni Vehnee na Wasak at Suklob, Tulod Mong Sabik written by Lito Camo at ’Di Mo Ba Nadarama na si JC mismo ang nag-compose.