Buhay ng isang pari na may kakaibang pananaw sa kanyang ministry ang tema ng bagong serye ni Direk Maryo J. delos Reyes na Pari ‘Koy. Sa paglalarawan ni direk, si Father Kokoy ay hindi kagaya ng karaniwan dahil siya iyong naniniwala na ang isang pari ay dapat na makihalo sa kanyang mga parishioners para alamin ang kanilang problema, at makatulong kung may magagawa siya.
Sabi nga ni direk, hindi iyan character ng isang karaniwang pari na ang tinitingnan ay iyong spiritual well being lamang ng mga parishioner. Ang ideya niya ay iyong isang pari na may ginagawa pang iba para sa kanyang mga nasasakupan.
“May mga pari namang ganyan at sa pagkakaalam ko, sila iyong mas minamahal ng kanilang parishioners talaga,” sabi ni Direk Maryo na bumanggit pa ng pangalan ng ilang mga paring nakilala sa pagtulong sa community.
“Palagay ko, kailangan ang mga ganitong serye for better understanding. Kasi hindi naman natin maikakaila na parang may wall agad sa pagitan ng mga tao at ng isang pari. Ang gusto ko rito ay makilala ng mga tao ang isang pari bilang kasama nila sa community, handang tumulong sa kanila, in short isang taong nakakausap. Palagay ko kailangan natin ang ganyan,”sabi pa ni direk.
Kung kami rin ang tatanungin, mukhang napapanahon nga ang seryeng iyan dahil doon sa panawagan ni Pope Francis sa mga pari na dapat lumabas sila ng kumbento at alamin kung ano ang problema ng mga tao at kung papaano sila makakatulong. Siguro makakatulong ang seryeng iyan para mabuksan ang mata ng mga pari, ganoon din naman para mabuksan ang mata ng mga tao na may iba pang mga bagay na magagawa ang isang pari para sa kanila maliban sa mag-misa.
Pero mahirap na serye iyan, dahil mahirap talakayin ang buhay ng isang pari. May mga taong malalapit sa pari. Mayroon din namang hindi gusto ang kanilang pari. Pero may mga katotohanang kung minsan ay hindi lang natin alam tungkol sa ating mga pari.
JC Tiuseco gusto nang seryosohin ang career
Nakaharap din namin si JC Tiuseco sa presscon ng Pari ‘Koy. Iyang si JC ang isa sa mga actor na sa simula pa lang, nakita na naming may potential. Pero hindi nga agad umangat ang kanyang career. Sabi niya, “Siguro dahil hindi ako natutukan noong dati kong manager kasi mas linya niya iyong mga beauty pageants at saka modeling.”
Ngayong nagpalit na siya ng manager na mas may alam sa show business, naniniwala siyang makakabawi siya.
Nag-iba na rin ang hitsura ni JC. Obvious ang malaking nabawas sa kanyang timbang. Dahil daw iyon sa kanyang ginagawang diet. Mukha lang daw siyang payat ngayon, pero kung wala siyang suot na shirt, makikitang mas ripped ang kanyang katawan. Ok naman iyon kaya lang naging hawas din naman ang mukha niya. Siguro bagay naman iyon sa role niya sa Pari ‘Koy.
Sa buong panahon ng kanyang career, puro supporting roles pa lang ang ginagawa niya. Bagama’t sinasabi naman niyang happy na siya sa mga nakukuha niyang assignments, hindi niya ikinaila na may mga pangarap pa siyang mas higit doon.
Ang paniwala namin diyan kay JC, siguro mabigyan lang iyan ng tamang break, masugalan lang kaunti pa ng network, baka may makuha silang isang bagong leading man. Mas ok naman si JC kaysa sa ibang ipinagpipilitan nilang parang mga tuod ang dating.